Itikan ninakawan; 2 mag-iitik patay sa kawatan

Steve A. Gosuico Jul 7, 2024
56 Views

GUIMBA, Nueva Ecija–Natagpuang patay ang isang 24-anyos na caretaker at kasama nitong 14-anyos na lalaki sa Brgy. Ilog Baliwag, Quezon sa Purok 3, Brgy. Tampac Uno ng bayang ito noong Miyerkules.

Nadiskubre ang bangkay ng dalawa ng may-ari ng duck farm na si Jay-Ar Trajano na magpapakain sana ng mga itik dakong alas-5:00 ng umaga, ayon sa report.

Sinabi ni Trajano na gigisingin niya sana ang kanyang 24-anyos na caretaker pero duguan at wala nang buhay ito.

Natagpua naman na nakahandusay at patay na rin sa irigasyon ang mas batang biktima.

Nakita sa closed-circuit television (CCTV) footage sa barangay ang isang kolong-kolong (improvised skeleton tricycle) na may kargang mga itik ang dumaan sa lugar pasado alas-2:00 ng madaling araw.

Sa pagsisiyasat, napag-alaman din na humigit-kumulang kalahati sa kabuuang imbentaryo ng 2,000 itik ang nawawala.

Tinitingnan ng pulisya ang pagnanakaw bilang motibo sa pamamaslang sa dalawa.