Ivana pinaiyak ang driver

Vinia Vivar Feb 11, 2025
14 Views

Patok na patok sa netizens ang pangpa-prank ni Ivana Alawi sa kanyang driver na walong taon nang nagsisilbi sa kanya.

Mapapanood sa latest YouTube vlog ng aktres/content creator na may titulong “Nawala Ang Kotse Ko Prank” ang kakaibang pagbibigay-pugay niya sa kanyang driver.

Ayon kay Ivana, naisip niyang bigyan ng reward ang kanyang driver na si Batang dahil napakabuti nitong tao at napaka-trustworthy.

Ito raw ang kasa-kasama niya sa lahat ng kanyang vlogs pati na sa mga pangpa-prank niya, at sa lahat ng trabaho niya.

“Kaya naman para sa mga ganyang tao, papaiyakin natin at papasayahin natin,” ani Ivana.

Sinimulan na nga ang prank ng grupo ni Ivana nang biglang mawala ang sasakyan ng aktres habang naka-park.

Ang sumunod na eksena ay ang pag-arte ni Ivana na nagpa-panic sa pagkawala ng sasakyan na nagkakahalaga ng mahigit P20 million. Pati ang mga kasabwat niya ay talaga namang kapani-kapaniwala rin.

Habang nagagalit na si Ivana sa driver ay kalmante lang ang huli habang nagpapaliwanag at kitang-kita rin na halos wala na siyang maisagot sa mga tanong ng amo.

Pinagbibintangan ni Ivana ang driver na may kasabwat at siyang may pakana ng pagkawala ng sasakyan hanggang sa bantaan na niya ito na ipapapulis niya.

In fairness sa driver, bandang huli ay inaako na niya ang responsibilidad at willing siyang magpakulong.

Hanggang sa ibunyag na nga ng grupo na “it’s a prank!” Napaiyak nang bongga ang driver at lalo pa siyang naging emosyonal nang iabot na sa kanya ni Ivana ang P100,000 bilang reward.

Ayon kay Batang, gagamitin niya ang pera para sa tuition fee ng dalawang anak.

Hit na hit ang video at sa ngayon ay umaabot na ito ng mahigit 1 million views sa loob lang ng isang araw.

Puring-puri ng netizens ang driver at komento nila, napaiyak din sila habang nanonood.