Jak ipinasilip ang papatapos na dream house

Vinia Vivar Mar 11, 2025
19 Views

Malapit na palang matapos ang dream house ni Jak Roberto.

Sa kanyang latest vlog ay proud na ipinasilip ng aktor ang loob ng bahay na 95% finished na.

Title nga niya sa vlog, “May Pinto, Bintana at Modern Toilet Na!”

Aniya sa caption, maraming dumaan na pagsubok sa pagpapagawa niya ng bahay pero wala raw sukuan.

“Grabe totoo talaga ang sinabi nila, mahirap talaga magpagawa ng bahay pero sobrang nakaka-excite na guys! Ang dami nang nagdaan na pagsubok! Wala nang sukuan to!” caption ni Jak.

Sa totoo lang, bumilib naman kami sa aktor dahil very hands-on siya sa construction ng kanyang bahay. Siya mismo ang personal na namili ng toilet bowls na ilalagay at makikita mong sobrang excited siya sa pamimili.

Halata ring personal niyang pinangasiwaan ang pagpapagawa ng bahay dahil alam na alam niya ang mga gamit at materyales na inilagay pati na ang mga pintuan at bintana.

Makikita ring masayang-masaya si Jak sa outcome ng kanyang papatapos na bahay na in fairness, pulido talaga ang pagkakagawa at materyales fuertes, ‘ika nga.

May tatlong palapag ang bahay at ipinakita niya ang master’s bedroom na super laki.

Mukhang sa bahay na ito inilagay ni Jak ang lahat ng kanyang kinita sa showbiz. Kumbaga, ito ang katas ng kanyang pagod at paghihirap sa trabaho kaya naman no wonder na super-proud ang aktor ngayong malapit na itong matapos.

Matatandaan na taong 2022 nang simulan ni Jak ang pagpapagawa ng sariling bahay. That time ay sila pa ni Barbie Forteza at lagi pa niyang kasama ang aktres kapag bumibisita sa site.

Magugunitang nitong nakaraang January ay inanunsyo ni Barbie na break na sila ni Jak pagkatapos ng pitong taong relasyon.

Sa comment section ng vlog, nalulungkot ang ibang fans na ngayong matatapos na ang pinaghirapang bahay ni Jak ay wala na sila ni Barbie.

At the same time, masaya naman sila na makitang unti-unti nang nakaka-move-on ang aktor mula sa breakup. Ang iba naman ay wish na magkabalikan pa rin ang dalawa.