Calendar
Japanese vlogger inireklamo ng Pinay na ka-live in, kalaboso
INIREKLAMO ng pambubugbog, panunutok ng baril at pagbabantang papatayin ng isang Pinay ang Japanese vlogger na kanyang kinakasama, araw ng Martes sa Paranaque City.
Sa tinanggap na ulat ni Southern Police District Director P/BGen. Bernard Yang, alas-4:05 ng madaling araw nang magtungo sa Women’s Desk ng Paranaque Police Station ang bebot na sakmal pa ng takot upang isumbong ang pananakit at pagbabanta ng live-in partner si alyas “Lakas Tama”.
Kaagad namang kumilos ang Paranaque Police, katuwang ang mga tauhan ng Special Weapon and Tactics (SWAT) Team at Sun Valley Police Sub-Station, at tinungo kaagad ang bahay ng mag-live in partner sa Brgy. Sun Valley kung saan nila inabutan ang dayuhan na positibong kinilala ng biktima na dahilan para siya arestuhin.
Nakumpiska ng pulisya kay alyas Lakas-Tama ang iba’t-ibang uri ng baril kabilang ang kalibre. 25 pistola na may pitong bala, kalibre. 9mm M11 Ingram na may dalawang extended magazine na may tig-13 bala, at isang kalibre. 9mm pistol na pawang walang mga kaukulang dokumento.
Pinuri naman ni BGen Yang ang mabilis na aksiyon ng mga tauhan ng Paranaque Police na nagresulta sa agarang pagdakip sa suspek at sinabing hindi nila pahihintulutan ang anumang uri ng karahasan, lalu na sa mga kababaihan, na inaabuso ng mga dayuhan.
Patong-patong na mga kasong Grave Threat, paglabag sa RA 9262 (Anti-Violence against Women and their Children Act of 2004), at RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) ang kakaharain ng sikat na vlogger sa Parañaque City Prosecutor’s Office.