Calendar
Jericka at Ericka dumating na ang pagkakataon
MALAPIT nang matapos ang pelikulang ‘Socmed Ghosts;’ na proyekto ng Samahan ng mga Social Media Broadcasters ng Pilipinas ni Dr. Michael Raymond Aragon.
Ang naturang pelikula ay binabalak nilang ilahok sa mga international film festivals, tulad ng unang prinodyus ni Dr. Aragon, ang ‘Umbra’ na dinirek ni Jeremiah Palma na dalawang beses nanalo sa India.
“Gusto kong ma-recognize muna sa international film festival ang naturang pelikula para mas malakas ang dating kapag inilabas na sa Pilipinas,” ayon kay Dr. Aragon.
Ang ‘Socmed Ghosts’ ay tinatampukan ng mga napiling housemates ng Socmed House na ala Bahay ni Kuya. Nagpakita sila ng husay, kahit ang karamihan sa kanila ay wala pang karanasan sa pag-arte.
Dalawa rito sina Jericka Madrigal at Ericka Blake.
Nadiskubre si Jericka na kasama ang inang nagtitinda sa talipapa sa Novaliches. Nilapitan siya ng direktor na si Jojo Albano na isa ring stuntman. Buong akala ni Jericka ay kinukuha siya bilang stuntwoman, pero nang dalhin siya sa Socmed House ay nagbago ang pananaw niya. Gusto talaga niyang mag-artista at natuwa siya dahil nagkaroon na siya ng pagkakataon.
Bago rito, nakasali siya sa isang international movie, ang ‘Halfworlds’ ng HBO kung saan nagkaroon siya ng pagkakataon na makasama si Bianca Umali.
Samantala, si Ericka naman ay matagal na ring sumusubok sa showbusiness. Paminsan-minsan ay nagmo-model siya, pero ang papel bilang isang multong naghahanap ng hustisya sa ‘Socmed Ghosts’ ang pinakamalaki at challenging para sa kanya.
Ayon kay Dr. Aragon, wala namang problema kung pagkatapos ng pelikula ay mapansin sila ng malalaking film company. “Yun naman talaga ang hangarin namin, ang mabigyan siya ng pintuan para sa mas malalaking break sa showbiz,” pagbibigay-diin pa ni Dr. Aragon.