Jia Jia de Guzman – 26 excellent sets sa panalo ng Creamline kontra sa Cignal. PVL photo

Jia nagbida sa panalo ng Creamline

Theodore Jurado Aug 9, 2022
364 Views

BUMATO si Jia de Guzman ng 26 excellent sets nang makalapit ang Creamline sa pag-usad sa Premier Volleyball League Invitational Conference championship match makaraang talunin ang Cignal, 25-17, 25-15, 25-22, kagabi sa Mall of Asia Arena.

Magaan na nanalo ang Cool Smashers sa unang dalawang sets bago maipagpag ang mahirap na HD Spikers hamon sa third upang maingat ang kanilang kartada sa 3-0 sa semifinals.

Tatangkain ng Creamline na makopo ang Finals berth laban sa Chinese-Taipei’s KingWhale, na tinalo ang Army-Black Mamba, 26-24, 25-18, 26-24, sa unang laro sa Biyernes.

“Excited kaming makalaro ang Taipei. Yun ang magiging goal namin,” sabi ni Cool Smashers mentor Sherwin Meneses. “Basta maglalaro kami ng maganda para maganda ang resulta.”

Solido rin si Tots Carlos na may 21 points, kabilang ang dalawang blocks, at 11 digs, nag-ambag si Jema Galanza ng 11 points, habang umiskor si Ced Domingo ng siyam na puntos para sa Creamline.

“We fought as a team talaga,” sabi ni Cool Smashers skipper Alyssa Valdez, na kumulekta ng match-high 16 digs bukod sa pitong puntos.

Nahulog ang Cignal, na nanaig sa Creamline sa preliminaries sa Sta. Rosa, Laguna, sa 1-2 kartada.

Nagdagdag si Ces Molina ng walong kills at walong digs, habang tumipa rin si Roselyn Doria ng walong puntos para sa HD Spikers, na na-outhit ng Cool Smashers, 25-50.

Nagbigat si setter Liao Yi-Jen na may 22 excellent sets habang si Brazilian opposite spiker Beatriz Flavio de Carvalho para sa Taiwanese club na may 14 points.

Nagtala si Wang Yu-Wen ng tatlong blocks para sa 10-point outing habang nagtala rin si Chen Li-Jun ng 10 points.

“This is the first time we mixed our young and veteran players in a tournament,” sabi ni KingWhale coach Teng Yen-Min.

“We’re happy the PVL invited us. In our first game against Army, we felt good,” aniya.

“This was also the first time that we played in a big gym because there’s nothing this in Taiwan. We are just excited to play more games in this tournament.”

Haharapin ng mga bisita ang PLDT sa alas-4 ng hapon ngayon sa parehong Pasay venue.

Nanguna si Jovelyn Gonzaga na may walong puntos at 14 digs, habang nag-ambag si Michelle Morente ng limang puntos para sa Lady Troopers, na tinapos ang kanilang kampanya sa semifinals na hindi nanalo sa apat na laro.