Calendar
Source: FB
Jollibee branch sa Tarlac nanakawan ng cash vault
PANIQUI, Tarlac — Isang hindi pa nakikilalang lalaki ang puwersahang pumasok sa isang sangay ng Jollibee sa Zamora Street, Barangay Poblacion Norte, Paniqui, at tinangay ang cash vault na naglalaman ng humigit-kumulang P800,000 na benta Linggo ng umaga.
Sa ulat kay PRO3 Director Brig. Gen. Ponce Rogelio Peñones Jr., sinabi ng Paniqui police na nasa ilalim ng Tarlac Police Provincial Office, na ang nagreklamo ay kinilalang si Julius Harina, 38, assistant branch manager ng Jollibee Paniqui at residente ng Barangay Poblacion Norte, Paniqui, Tarlac.
Batay sa paunang pagsusuri ng closed-circuit television (CCTV) footage ng establisimyento, nagsara ang naturang fast-food branch bandang alas-11 ng gabi at makalipas ang humigit-kumulang isang oras, puwersahang pumasok ang hindi pa nakikilalang lalaki sa pamamagitan ng pagsira sa salaming pinto ng pangunahing pasukan.
Pagpasok sa loob, kinuha at tinangay ng suspek ang vault na naglalaman ng dalawang araw na koleksiyon ng benta ng nasabing fastfood branch na nagkakahalaga ng hindi bababa sa P800,000.
Ang suspek, na nakasuot ng itim na hoodie jacket, itim na pantalon at puting sumbrero, ay agad na tumakas.
Sinabi ng pulisya na patuloy ang isinasagawang follow-up operations ng Paniqui police, kabilang ang masusing pagsusuri ng mga CCTV footage mula sa mga karatig na establisimyento at ang pakikipanayam sa mga posibleng saksi, upang makilala at madakip ang suspek.

