Brownlee

Justin Brownlee sisikapin na mapaunlad PH sports

Mar Rodriguez Mar 13, 2025
11 Views

ANG 1-PACMAN Party List Group sa Kamara de Representantes ang nagpursige ng husto para maging naturalized Filipino ang Barangay Ginebra import na si Justin Brownlee. Kaya naman abot-abot ang kaniyang pasasalamat kasabay ng pangako na nito na gagawin niya ang lahat para mapaunlad ang Philippine sports.

Pinasalamatan ni Brownlee si 1-Pacman Party List Rep. Michael “Mikee” L. Romero, Ph.D., dahil sa pagsisikap nito para makakuha ito ng Filipino citizenship.

Dahil dito, bilang pasasalamat, tiniyak ni Brownlee na sisikapin din nitong maibalik ang malaking utang na loob para sa lahat ng mga Pilipino na sumusuporta at tumatangkilik sa kaniya sa pamamagitan ng kaniyang kontribusyon para paunlarin ang Philippine sports.

“I really want to give back to basketball. Hopefully, I can work with younger kids and contribute to the growth of basketball here in the Philippines,” ani Brownlee.

Si Brownlee at iba pang manlalaro sa Philippine Basketball Association (PBA) tulad nina Scottie Thompson, Jayson Castro at iba pang professional athletes ay sumusuporta kay Milka Romero at 1-PACMAN Party List na nagsusulong ng adbokasiya para sa sports and youth development.

Iginawad kay Brownlee ang pagiging Filipino citizen noong January 2023 sa pamamagitan ng pagsisikap ni Congressman Mikee Romero matapos itong maghain ng panukalang batas para mabigyan ng Filipino citizenship si Brownlee.