Calendar
Kadiwa outlet binuksan sa Batangas
PINANGUNAHAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pagbubukas ng Kadiwa ng Pangulo sa Sto. Tomas, Batangas.
“Binibigyan natin ng pagkakataon ang mga lokal na MSMEs na talagang nahirapan noong lockdown at kalakasan ng pandemya. Ito ay pagkakataon para iyong mga produkto naman na ginagawa ng mga lokal ay mabigyan ng merkado para mayroon silang mapuntahan at mapagbili ang kanilang mga magagandang produkto,” sabi ni Pangulong Marcos.
Ang Kadiwa ng Pangulo ay isang programa na itinulak ng Marcos administration upang mayroong mabilihan ng murang produkto ang mga mamimili at magkaroon ng lugar na pagbebentahan ng mga magsasaka, mangingisda at maliliit na negosyante.
Ayon sa Pangulo mahigit 500 Kadiwa outlet na ang nabuksan sa iba’t ibang bahagi ng bansa.
“Pararamihin pa natin ang Kadiwa basta’t nagkakaisa at nagsasama lahat ng ahensya ng pamahalaan, lahat ng local government, at lahat ng ating mga producers at kasama ang ating mga magsasaka. Makikita natin na magiging matagumpay ang programang ito,” ani Pangulong Marcos.
Sa Batangas, 12 organisasyon at kooperatiba ng mga magsasaka ang lumahok at nakapagbenta ng kabuuang P243, 475.75, ayon sa DA-Agribusiness and Marketing Assistance Service (DA-AMAS).