Bro. Marianito Agustin

Kagaya ng Birheng Maria, magtiwala din tayo sa kapangyarihan at plano ng Panginoong Diyos (Lucas 1:26-28)

484 Views

LAHAT tayo ay umaasa ng isang masagana at mabiyayang taon ngayong 2023. Bagama’t hindi pa natin lubusang nakikita kung ano ang naghihintay sa atin sa pagpasok ng bagong taon.

Hindi pa natin lubusang nababatid kung anong kapalaran ang naghihintay sa atin ngayong taong 2023. Kapalaran ng ating career, sa trabaho natin, sa love life, sa buhay mag-asawa at partikular na sa ating pamilya. Lahat tayo ay wala pa sa ating hinagap ang bukas na naghihintay ngayong taon.

Subalit katulad ng Inang Maria sa Mabuting Balita (Lucas 1:26-28) bakit hindi natin ipagkatiwala sa Panginoong Diyos ang anumang inaasahan natin para sa taong 2023. Bakit hindi natin subukang ipaubaya sa Diyos ang mga bagay na hindi natin saklaw at kayang abutin.

Nitong nakaraang Disyembre 26, 2022. Namatay ang aking kapatid na si Raphael Lontok Rodriguez, namatay ang panganay namin kapatid makalipas lamang ang Pasko. Masakit para sa akin sapagkat napaka-bilis ng mga pangyayari na halos hindi na kami nakapag-usap man lamang.

Sinusukuban niya akong tawagan sa aking messenger ilang araw bago siya pumanaw subalit sa kasamaang palad ay hindi kami nagkaroon ng pagkakataon na makapag-usap. Dahil noong mga panahong iyon ay masyado akong abala at marami akong ginagawa.

Sinabi ng kaibigan kong Seminarista na ang Panginoong Diyos ang “author” ng ating buhay. May mga bagay dito sa mundo ang hindi natin kayang ipaliwanag na kung tawagin ay “inexplicable” o hindi maipaliwanag katulad ng pagpanaw ng panganay kong kapatid.

Kaya ang tanging magagawa lamang natin ay magtiwala tayo sa Panginoon at ipagkatiwala natin sa kaniya ang lahat ng bagay. Kagaya ng ginawa ng Birheng Maria, hindi niya mawari at maunawaan matapos magpakita sa kaniya ang Anghel Gabriel kung ano ang plano ng Diyos para sa kaniya. (Lucas 1:29). Subalit ang lahat ng ito’y ipinaubayang lahat sa Panginoon.

Hinayaan niyang kumilos ang Diyos sa kaniyang buhay. Hinayaan niya ang Diyos na gumawa ng diskarte para sa kaniya. Kaya naman hindi nabigo ang Birheng Maria dahil mayroon pa lang magandang plano na nakalaan ang Panginoon para sa kaniya.

Marahil may ilan sa atin ang nangangamba kung ano ang magiging kapalaran nila ngayong taon. Hindi nila maunawaan kung magiging maganda ba, pangit o malas ang naghihintay sa kanila ngayong 2023. Kaya naman ang ilan sa atin ay nagtitiwala sa mga manghuhula “fortune teller’.

May mga tao naman na mas lubos pa ang kanilang tiwala sa biyayang ibinibigay ng “feng shui” kaysa sa biyayang ipinagkakaloob ng ating Panginoong Diyos. Mas malaki pa ang pananampalataya nila kay Buddah, sa pusang kumakaway-kaway at sa palakang may nakasubong barya sa bibig kaysa kay HesuKristo na anak ng Kataas-Taasang Diyos.

Sa madaling salita, sila’y mga naturingang mga Katoliko pero mas malakas pa ang kanilang pananampalataya at pagtitiwala sa paniniwala at kultura ng mga Intsik. Dito nila ipinagkakatiwala at ipina-uubaya ang kanilang kapalaran ngayong 2023 kaysa sa ating Panginoon.

Nagtitiwala tayo sa tradisyon at paniniwala ng mga banyaga. Niyayakap natin ang kultura at paniniwalang hindi natin kinagisnan Gayong batid natin na mas makapangyarihan ang ating Panginoon Diyos kumpara sa anumang bagay na pinaniniwalaan ng iba. Mas ipauubaya ba natin ang ating sarili at kapalaran sa kamay ni Buddah?

Pagnilayan natin mabuti ang mensahe ng Ebanghelyo na huwag tayong mag-alinlangan, huwag tayong matakot at huwag rin tayong mangamba katulad ng Birheng Maria. Magtiwala tayo sa Panginoon sapagkat mayroon siyang magandang plano para sa atin.

Nawala man ang kapatid ko, alam kong hindi kami pababayaan ng Diyos at alam kong may magandang plano siya para sa amin. Ang kailangang lamang naming gawin ay ang magtiwala sa kaniya. Dahil hindi kailanman hinangad ng Diyos ang masamang bagay para sa kaniyang mga anak.

Ikaw na nagbabasa ngayon, kanino mo ba ipinagkakatiwala ang iyong buhay? Nagtitiwala ka rin ba sa Panginoong Diyos? Ipinauubaya mo rin ba sa kaniya ang iyong kapalaran kagaya ng ginawa ng Birheng Maria sa Pagbasa? O mas nagtitiwala ka rin sa paniniwala at kultura ng iba?

MANALANGIN TAYO:

Panginoon naming Diyos, palakasin mo po nawa ang aming pananalig at pananampalataya. Ipinagkakatiwala po namin sa inyo ang aming kapalaran ngayong taong 2023. Kayo na po sana ang bahalang gumawa ng mga bagay na makakabuti para sa amin.

AMEN