BBM

Kahalagahan ng BIR kinilala ni PBBM

237 Views

KINILALA ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang kahalagahan ng mga ginagawa ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na mahalaga sa pag-unlad ng bansa.

Sa kanyang talumpati sa 2023 National Tax Campaign Kickoff sa Pasay City, binanggit ni Pangulong Marcos ang pinaigting na implementasyon ng Run After Tax Evaders (RATE) na nagresulta sa pagsasampa ng 15 kaso sa Department of Justice (DOJ) kaugnay ng P5.1 bilyong tax liability ng mga inireklamo nito.

Bukod dito, nakapagsampa rin ang BIR ng 38 kaso sa Court of Tax Appeals (CA) na nagkakahalaga ng P5.32 bilyon, ayon sa Pangulo.

Kamakailan ay nagsampa ang BIR ng 74 tax evasion complaint sa iba’t ibang personalidad dahil sa hindi pagbabayad ng P3.58 bilyong buwis.

Dahil sa Oplan Kandado program ng BIR, sinabi ng Pangulo na nadagdagan ng P550 milyon ang kaban ng gobyerno noong nakaraang taon.

Hinamon naman ni Pangulong Marcos ang BIR na pagibayuhin ang pagtatrabaho nito upang makuha ang tiwala ng publiko.

“I also furthermore challenge the men and women of the BIR to work towards further gaining the confidence of the public in the tax system by upholding the highest standards of integrity, professionalism and competence in the performance of your duties,” sabi ng Pangulo.

Tiniyak naman ni Pangulong Marcos na susuportahan ng kanyang administrasyon ang BIR sa pagnanais nito na mailagay ang bansa sa mas maayos na kalagayan.