Hontiveros

Kahalagahan ng imbestigasyon ng Senado para sa posibleng pagpapanagot kay Quiboloy mahalaga– Hontiveros

Mar Rodriguez Jan 20, 2024
124 Views

IGINIIT ni Sen. Risa Hontiveros ang kahalagahan ng isasagawang imbestigasyon ng Senado kaugnay ng mga akusasyon laban kay Pastor Apollo Quiboloy sa pagpapanagot dito.

Magsasagawa ng imbestigasyon ang Senate Committee on Women, Children, Family Relations and Gender Equality, na pinamumunuan ni Hontiveros sa Enero 23 sa mga alegasyon ng human trafficking, rape, sexual at physical abuse laban kay Quiboloy at pinamumunuan nitong Kingdom of Jesus Christ (KOJC).

Ayon kay Hontiveros iimbitahan si Quiboloy sa pagdinig gayundin ang mga dating miyembro ng KOJC na nagpahayag ng kahandaan na isiwalat ang mga hindi kanais-nais na ginagawa ng religious group.

Sinabi ni Hontiveros na sa isasagawang imbestigasyon ay malalaman kung kakailanganin na magsampa ng kaso laban kay Quiboloy.

“If it is proven from our hearing and from the findings and recommendations of the committee report that he really committed the offenses against the victim-survivors off the top of my head…and if he can testify during our hearing, that will serve as part of the foundation to prosecute him,” ani Hontiveros.

Nangako si Hontiveros na magiging patas ang isasagawang imbestigasyon na ang layunin ay lumabas ang katotohanan.

Hinimok din ni Hontiveros ang kanyang mga kasama na maging patas sa isasagawang pagdinig.

Ayon kay Hontiveros, hawak nito ang testimonya kung saan nakalahad ang mga alegasyon laban sa lider ng KOJC.

Si Quiboloy ay nahaharap sa patong-patong na kaso sa Estados Unidos gaya ng conspiracy to engage in sex trafficking through force, fraud at coercion.

Sinabi ni Hontiveros na mahalaga na malaman kung nangyayari rin sa Pilipinas ang mga sinasabing nagawa sa Estados Unidos.

“Let’s take care of the one here in our backyard first. And because overall, if the process of truth and justice is progressing here in the Philippines, it will probably also help the process in other countries,” sabi ni Hontiveros.

Mayroong inilabas na warrant sa Amerika laban kay Quiboloy noong Nobyembre 10, 2021 matapos itong masampahan ng kaso sa korte sa California, ayon sa U.S. Federal Bureau of Investigation.

Noong 2022, hinarang ng U.S. Department of Treasury ang anumang transaksyon sa mga ari-arian ni Quiboloy dahil sa “serious human rights abuses,” kasama na ang sistemako at malawakan umanong pakikipagtalik sa mga batang babae na ang pinakabata ay 11-taong gulang.

Kinondena naman ng kampo ni Quiboloy ang isasagawang imbestigasyon at iginiit na ito ay politically motivated.

Sinabi ng abugado ni Quiboloy na si Ferdinand Topacio na dapat ay magsampa ba lamang si Hontiveros ng kaso sa halip na magsagawa ng trial by publicity.

Naniniwala rin si Topacio na hindi ang Senado ang dapat magsagawa ng imbestigasyon at iginiit ang kahalagahan na maging patas ang legal na proseso.