Acidre

Kahalagahan ng mga programa ng gobyerno mas na-appreciate ng mga solon sa BPSF

Mar Rodriguez Mar 22, 2024
115 Views

MAS na-appreciate ng mga kongresista ang kahalagahan ng mga serbisyo ng gobyerno sa kanilang pagsama sa Bagong Pilipinas Serbisyo Fair (BPSF).

Ito ang sinabi ni Deputy Majority Leader at Tingog Partylist Rep. Jude A. Acidre na sumasama sa mga BPSF at personal na nasaksihan ang pagtulong ng gobyerno sa mga nangangailangang Pilipino.

“When we look at the budget, when we follow through with the budget, when we sign in the budget every year as we do for the budget hearings, mas kakaiba na ang appreciations namin. Kasi may mukha na, may situation na. May kwento na sa mga nakikita naming numero lang” ani Acidre bilang tugon sa isang tanong sa regular na press conference sa Kamara.

“I know with this will be more reflected in the next cycle of budget deliberations, na magiging mas masigasig ang ating mga kongresista sa pakikipag-ugnayan sa mga ahensiya para mas maintinidhan pa ang mga programa,” dagdag pa nito.

“Minsan hindi natin napapansin pero kung titignan natin sa lebel ng ating mga kababayan sa grassroots ay napakalaking bagay, napakalaking ginhawa pala sa kanila.”

Ang huling BPSF, na siyang ika-13 ay isinagawa sa Oriental Mindoro. Mahigit sa P1 bilyong halaga ng tulong at programa ang inihatid nito sa probinsya.

Ito ay kasunod ng BPSF sa Sultan Kudarat kung saan nasa 150,000 residente ang natulungan at nahatiran ng kabuuang P1.2 bilyong ayuda, serbisyo, at iba pang programa.

“Kung nakapunta na ho kayo sa mga Serbisyo Fair, kayo mismo mamamangha. Ako mismo namamangha, nakakatulong tayo ng isang daang libo, one hundred fifty thousand, seventy thousand, eighty thousand people na minsanan lang mangyari sa mga lugar lalo na sa mga probinsiya,” saad pa ni Acidre.

“Mga payouts, mga regulatory services, kahit ho magrenew ng lisensiya sa PRC, lisensiya sa driving, nandun po … Ang goal is to be able to have one BPSF in each of the 80 provinces na mayroon tayo ngayon,” dagdag pa ng kongresista.