Calendar

Kahandaan ng DMW na makipag-tulungan sa MECO para tulungan mga Pinoy sa Taiwan ikinagalak ni Magsino
BILANG kinatawan ng Overseas Filipino Workers (OFWs), ikinagalak ni OFW Party List Rep. Marissa “Del Mar” P. Magsino ang pagtitiyak ng Department of Migrant Workers (DMW) na handa ang ahensiya na makipagtulungan sa Manila Economic and Cultural Office (MECO) para isakatuparan ang contingency plan para sa mga Pilipinong migrante sa Taiwan.
Ayon kay Magsino, napakahalaga na makapagbalangkas ang DMW at MECO ng contingency plan para matiyak ang kaligtasan ng libo-libong OFWs sa Taiwan at mapag-planuhan din sa sakaling nais nilang bumalik sa Pilipinas.
Ang pahayag ni Magsino ay kaugnay sa napipintong kaguluhan sa Taiwan kung saan pinanganganbahan na maaaring maapektuhan dito ang napakaraming Pilipino na naninirahan at nagta-trabaho sa nasabing bansa.
Sinabi naman ni DMW Sec. Hans Leo J. Cacdac na handa silang makipagtulungan kay MECO Chairperson at Resident Representative Cheloy Garafil na maisakatuparan ang nasabing plano sakaling tuluyan ng sumiklab ang kaguluhan sa Taiwan.
Nananawagan naman si Magsino sa mga OFWs sa Taiwan na manatili lamang kalmado sapagkat ginagawa naman aniya ng pamahalaan ang lahat ng paraan para mapanatili ang kaayusan para sa mga Pilipino sa Taiwan sa gitna ng banta ng kaguluhan doon.
Samantala, hindi naman pinalampas ng kongresista ang pagkakataon na bisitahin ang Nueva Viscaya State University – Bayombong Campus sa kaniyang paglilibot sa lalawigan para mamahagi ng mga spory equipments sa naturang unibersidad.
Nakipag-ulungan si Magsino sa Philippine Sports Commission (PSC) matapos nitong isagawa ang turnover ng iba’t-ibang sports equipments na naglalayong paigtingin ang sports program ng paaralan kasama na ang mga komunidad sa Nueva Viscaya.