Calendar
Kahanga-hanga si PBBM — Lacson, Gatchalian
SINABI nina Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson at Sen. Sherwin Gatchalian na kahanga-hanga ang ginawa ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at ng kanyang administrasyon sa sigalot sa Strait of Hormuz.
Tinukoy ng dalawa ang diplomatikong pagsisikap na nagtiyak ng ligtas na pagdaan sa Strait of Hormuz ng mga Philippine-flagged vessels, oil shipments, at mga Pilipinong marino.
Pinuri ni Lacson si Department of Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro sa kanyang quiet diplomacy at binigyang-diin na ang rutang ito ay dinaraanan ng mga sasakyang-dagat na nagdadala ng tinatayang 80 hanggang 100 porsiyento ng inaangkat na langis ng Pilipinas.
Sa panig ni Gatchalian, sinabi niyang isang tagumpay para sa energy security ng Pilipinas ang pagpayag ng Iran na makadaan ng ligtas ang mga oil tanker na patungo sa bansa.
Nagkaroon si Lazaro ng pag-uusap sa telepono kay Iranian Foreign Minister Seyed Abbas Araghchi, na nagbigay ng katiyakan na papayagan ng Iran ang ligtas, malaya at mabilis na pagdaan sa Strait of Hormuz ng mga Philippine-flagged vessels, energy sources at lahat ng Pilipinong marino.
Ayon kay Lazaro, mahalaga ito upang matiyak ang energy security ng Pilipinas at ang kaligtasan ng mga Pilipinong marino na nagtatrabaho sa nasabing lugar.
Kinilala rin ni Gatchalian ang maagap na pagkilos ng Department of Foreign Affairs at Department of Energy para maisakatuparan ang naturang kasunduan.
Nauna nang nagbabala si Lacson sa epekto ng krisis sa Gitnang Silangan sa ekonomiya, kabilang ang pagtaas ng presyo ng langis.

