Oducado

Skills upgrading ng mga manggagawa ipinanukala

Mar Rodriguez Apr 5, 2026
307 Views

NAIS ni 1-Tahanan Party List Rep. Nathaniel Oducado na umasenso ang mga manggagawang Pilipino kaya inihain niya ang panukalang “Lifelong Learning Development Framework Act.”

“Sa ekonomiya ngayon hindi nagtatapos ang pagkatuto sa pagtatapos ng pag-aaral dahil maaaring maluma ang mga kasanayan sa loob lamang ng ilang taon,” ayon kay Oducado.

Sinabi ng kongresista na ang House Bill No. 08748 o “An Act Establishing a Lifelong Learning Development Framework” ay nagtatakda ng national policy na sumusuporta sa patuloy na pagpapahusay ng skills upgrading ng mga Filipino workers.

Ipinaliwanag pa ni Oducado na ang re-skilling at skills upgrading ay mas madali para sa mga manggagawang Pilipino upang mag-access ng mga oportunidad sa pag-aaral para mas lalong mapahusay ang kanilang pamumuhay.

“Ang mga manggagawang hindi nakakapag-update ng kanilang kasanayan ay nanganganib na mawalan ng trabaho o makaligtaan ang mas magandang oportunidad,” wika pa niya.

Lumilikha ang panukalang batas ng organisadong balangkas na naghihikayat ng pagtutulungan ng pamahalaan, mga educational institution at iba pang industriya upang gawin ang abot-kaya, flexible at tumutugon sa pangangailangan ng merkado ng paggawa.

Sabi pa ni Oducado na ang kaniyang panukalang batas ay tungkol sa pagpo-protekta sa mga trabaho, pagpapalakas ng mga pamilya at pagbuo ng isang work-force na kayang makipag-sabayan hindi lamang ngayon kundi sa mga darating na panahon.