bro marianito

Kailangan nating pasanin ang ating Krus, sumunod kay Hesus para maging alagad Niya

342 Views

Nakahanda ka bang talikuran ang lahat para kay Hesus? (Lucas 14:25-33) 

KAPAG mayroon tayong minamahal o iniibig, halimbawa, isang kasintahan ibinibigay natin sa kaniya ang lahat ng oras at panahon natin.

Ganito rin ang tema ng Mabuting Balita (Lucas 14:25-33) na ating mababasa matapos ipahayag ng Panginoong Hesu-Kristo na:

“Hindi maaaring maging Alagad ko ang sinomang umiibig sa kaniyang ama at ina, asawa at mga anak, mga kapatid at maging sa sarili niyang buhay nang higit sa akin”. (Lucas 14:26-27)

Hindi nais ipakahulugan ni Hesus sa Pagbasa na huwag natin mahalin ang ating mga magulang, asawa, anak, kapatid at maging sarili natin.

Sa halip, ang gustong sabihin dito ng ating Panginoon ay kung nais natin sumunod sa kaniya para maging Alagad at makapaglingkod sa pamamagitan ng pagpapalaganap sa Salita ng Diyos, kailangan mas nangingibabaw ang pag-ibig natin sa Panginoong Diyos kaysa sa ating pamilya at maging sa ating mga sarili.

Sapagkat ang pagsunod at paglilingkod kay Hesus ay matatawag na isang “total commitment.”

Pinatunayan ito sa Aklat ni San Marcos nang ipahayag ni Kristo sa isang Pariseo na isa sa pinaka-mahalagang utos ay ang ibigin mo ang Diyos nang buong puso, buong kaluluwa at buong pag-iisip at buong lakas”. (Marcos 12:30)

Ang pagiging isang Alagad ni Hesus ay may kaakibat na sakripisyo. Kaya sinabi niya na ang hindi magpapasan ng sarili niyang Krus at sumunod sa akin ay hindi maaaring maging Alagad ko. (Lucas 14:27)

Ang Krus ay sumisimbulo ng pagtitiis, sakripisyo at wagas na pag-ibig na pinatunayan mismo ni Kristo nang siya ay ipako at mamatay sa Krus upang tubusin tayo sa ating mga kasalanan.

Hinahamon tayo ni Hesus na magiging karapatdapat lamang tayong maging Alagad niya kung kaya rin ba nating pasanin ang ating sariling Krus na nangangahulugan ng sakripisyo para sumunod sa kaniya.

Ito ay sa pamamagitan pagtalikod natin sa kasalanan, kasaganahan ng buhay at pag-iwan sa isang komportableng buhay para maglingkod sa Simbahan, pumasok sa Seminaryo para maging isang Pari o Madre at maglingkod sa kaniya bilang isang Dominikanong Laiko na tulad ko.

Muling ipinaalala ni Kristo sa huling bahagi ng Ebanghelyo na hindi maaaring Alagad niya kung hindi natin kayang talikuran ang lahat sa ating buhay. (Lucas 14:33) Ang pagsunod sa ating Panginoon bilang Alagad ay mahirap.

Sapagkat sa pagsunod natin sa kaniya, tayo ay makararanas ng iba’t ibang pagsubok, pasakit at pag-uusig tulad ng naranasan ng mga Santo.

Dahil ang pagiging isang Alagad ng Diyos ay hindi isang Paraiso o “greener pasture” na absuwelto na tayo sa mga pasakit at pagsubok sa buhay.

Sapagkat hindi naman niya ipinangako na kapag naglingkod tayo sa kaniya ay hindi na tayo makararanas ng mga pagsubok.

Ang ipinangako niya ay kapag tayo ay sumunod sa kaniya tayo ay magkakamit ng buhay na walang hanggan na ang malinaw na ibig sabihin ay makakapiling natin si Hesus sa kaniyang Kaharian.

Tandaan lamang natin na kapag tayo ay dumaranas ng mga pagsubok sa buhay.

Ang ibig sabihin lamang nito ay sinusubukan ang katatagan ng ating pananampalataya.

Manalangin Tayo:

Panginoong naming Diyos. Nawa’y maging karapat dapat kami na maging iyong Alagad sa pamamagitan ng pagtalikod namin sa kasalanan, pagiging makasarili at labis na pagkahumaling sa mga materyal na bagay.

Nawa’y tulungan mo po kaming pasanin ang aming mga Krus para sumunod sa iyo.

AMEN