Risa

Kakayahan ng gobyerno na suriin radioactive na bakal binusisi

18 Views

BINUSISI ni Sen. Risa Hontiveros ang kakayahan ng gobyerno na matukoy ang radioactive materials sa mga produkto sa market matapos sabihin ng National Bureau of Investigation na may ilang materyales, mula waste by-products hanggang finished products ang lumampas sa radioactivity exemption limits.

Sinabi naman ng Bureau of Customs na wala itong kasalukuyang scanner na kayang matukoy ang radioactive materials na pumapasok sa bansa, isang kakulangan na tinawag ni Hontiveros na “napakalaking gap.”

Lumabas ang mga pahayag sa ikalawang pagdinig ng Senate Committee on Economic Affairs sa isyu ng substandard at contaminated steel.

Ayon sa isang NBI senior agent, kumuha ang bureau ng mga sample mula sa iba’t- ibang hardware stores na nagbebenta ng produkto ng mga plantang ni-raid nila.

Ayon sa NBI, ipinakita ng tests ng Philippine Nuclear Research Institute at independent laboratories na ang antas ng radioactivity sa ilang materyales, mula waste by-products hanggang finished products, ay lumampas sa exemption limits sa ilalim ng lokal at international standards.

Hindi tinukoy sa pagdinig kung aling partikular na produkto, batch o sample mula sa hardware stores ang lumampas sa limits, o kung anong radiation level ang naitala sa bawat isa.

Sinabi ng NBI na kabilang ang test results sa mga ebidensiyang isinumite nito sa korte sa paghingi ng search warrants laban sa mga plantang inimbestigahan.

Tinanong ni Hontiveros kung paano nalaman ng NBI bago ang mga raid na dapat nitong suriin ang posibleng presensya ng radioactive materials.

Ayon sa NBI, ang unit nito ay binuo at sinanay para sa chemical, biological, radiological and nuclear o CBRN threats at kabilang sa trabaho nito ang pagsusuri sa metal materials para sa radioactive substances.

Sa bahagi ng Customs, sinabi ng kinatawan nito na wala sa kasalukuyan ang bureau ng scanner na kayang makadetect ng radioactive materials sa mga pumapasok na kargamento.

Sinabi ng Customs representative na umaasa ang bureau nang malaki sa impormasyon mula sa PNRI at iba pang regulatory agencies upang matukoy ang ganitong uri ng kargamento.

“So, sabi niyo kanina wala pang capability yung Bureau. ‘Di ba napakalaking gap nun?,” tanong ni Hontiveros.

Binanggit ni Hontiveros ang posibilidad na may radioactive waste o ibang radioactive material na maipasok nang hindi natutukoy at tinanong kung nagpapalakas na ang Customs ng kakayahan nitong makadetect ng mga ito.

Sinabi ng Customs representative na humihingi ang bureau ng tulong sa Senado at Kamara para sa pondong pambili ng bagong scanner.

Ayon din sa kinatawan, batay sa nabasa niyang pahayag ng isang Customs official, may dati umanong donated scanner ang bureau ngunit naniniwala siyang decommissioned na ito.

“I hope BOC will step up in the way the other Bureau has done,” sabi ni Hontiveros, na tumukoy sa CBRN capability ng NBI.

Tinanong din ni Hontiveros ang Department of Trade and Industry kung kaya nitong kumpirmahin ang presensya ng radioactive materials sa steel products na ibinebenta sa hardware stores.

Sinabi ng NBI na batay sa findings nito, ang mga steel plant na kanilang ni-raid ay hindi nakasunod sa umiiral na PNS 49:2020.

Pinabulaanan ito ng Philippine Sanjia Steel Corp., na nagsabing ang mga steel product na ginagawa nito gamit ang induction furnace technology ay sumusunod sa PNS 49:2020 at dumaraan sa quality-control testing.

Sinabi rin ng Sanjia na handa itong sumailalim sa independent third-party inspection.

Samantala, sinabi ng Bureau of Philippine Standards na ang PNS 49:2026 ay updated standard na may mas mataas na requirements para sa steel products ngunit hindi nito mismong ipinagbabawal ang induction furnace technology.