Calendar
Pagtanggal ng VAT sa buong kurytente bill, di lang sa systems loss hinihiling
SINABI ni Sen. Bam Aquino na 0.5% hanggang 0.8% lang ang bawas sa kabuuang electric bill kung VAT sa system loss charges lang ang aalisin sa bill ng mga power consumers.
Sa kabila nito, tinatayang 8%-10% ang bawas kung aalisin ang VAT sa buong electricity bill.
Para sa pamilyang gumagamit ng average na 200 kilowatt-hours kada buwan, tinaya ni Aquino na ang pag-aalis ng VAT sa buong electricity bill ay maaaring magbawas ng P237 hanggang P296 kada buwan o P2,844 hanggang P3,552 kada taon.
“Sa pag-aaral po kasi namin, ang liit lang kasi ng tanggal ng VAT sa systems loss, parang 0.8 percent lang. Iyong mungkahi talaga namin, iyong VAT mismo sa ating electricity bill ang dapat tanggalin. Aabot po ng 10 percent ang discount.
Naghahanda ang Bureau of Internal Revenue ng revenue memorandum circular na mag-aalis ng VAT sa allowable system loss charges sa electricity bills.
Ayon sa BIR, ilalabas ang circular matapos ang 15-araw na panahon mula sa publication ng Energy Regulatory Commission Resolution No. 26, Series of 2026, na nagklasipika sa system loss charge bilang government-mandated pass-through cost.
Sinabi ni Aquino na mas malaki ang maaaring matipid ng consumers kung aalisin ang VAT sa buong electricity bill sa halip na sa system loss lamang.
Muling itinulak ng senador ang Senate Bill No. 266, na inihain niya noong Hulyo 8, 2025.
Sa ilalim ng panukala, magiging VAT-exempt ang bentahan ng kuryente ng generation, transmission at distribution companies at electric cooperatives, gayundin ang serbisyo ng electric utility franchise grantees.
“Kapag inalis natin ang VAT sa kuryente, mababawasan ang bayarin sa kuryente at madadagdagan ang perang magagamit ng pamilyang Pilipino para sa kanilang pang-araw-araw na pangangailangan, gaya ng pagkain, gamot, at pambaon at pamasahe ng mga estudyante,” ani Aquino.

