Venom

Kakulangan ng anti-venom, bakuha sa rabies hiniling tugunan

17 Views

KAGAT at mahalaga ang sapat na suplay ng Anti-Venom at Bakuna sa Rabies!

Iginiit ni Senator Raffy Tulfo sa Research Institute for Tropical Medicine (RITM) at Department of Health (DOH) na agarang tugunan ang kakulangan sa suplay ng anti-venom at bakuna sa rabies sa gitna ng tumataas na bilang ng mga namamatay dahil sa kagat ng ahas at impeksyon sa rabies.

Sa pagdinig ng Senate Committee on Health and Demography, kinuwestiyon ni Tulfo ang patuloy na paggamit ng RITM sa lumang teknolohiya ng anti-venom na epektibo lamang laban sa isang uri ng ahas, na nag-iiwan sa iba pang biktima ng makamandag na kagat nang walang sapat na proteksyon.

“Libo-libo ang namamatay dito sa Pilipinas dahil sa snake bites, dahil sa kakulangan sa anti-venom, thousands po. Hundreds ang namamatay dahil sa rabies. Alam niyo po yan. This is really very alarming,” ani Tulfo.

Binigyang-diin niya na ang Purified Cobra Anti-Venom (PCAV) ng RITM ay nakabatay sa isang pormula mula pa noong 1962 at epektibo lamang laban sa Naja philippinensis, kaya hindi nito nabibigyan ng proteksyon ang mga biktima ng ibang makamandag na ahas sa bansa.

“Ito ang PCAV, Purified Cobra Anti-Venom, 1962 pa po ito? Ba’t ayaw niyo pa palitan, baguhin?” tanong ni Tulfo.

Inamin ng mga opisyal ng RITM na may umiiral na polyvalent anti-venom technology sa ibang bansa na kayang labanan ang bisa ng lason mula sa iba’t ibang uri ng ahas, ngunit hindi pa ito magamit sa Pilipinas.

Sinabi nilang kailangan ng karagdagang pondo at espesyal na pagsasanay para sa mga lokal na eksperto.

Binigyang-pansin din ni Tulfo ang 23% pagtaas sa kaso ng rabies sa buong bansa, at binigyang-diin ang pangangailangan ng mas madaling akses at libreng bakuna sa rabies, lalo na sa mga liblib na lugar.

“Paano kung sa probinsya at wala pong malapit na public hospital? Gawan niyo po ng paraan na ang anti-rabies vaccine maging available para sa lahat,” aniya.

Kinumpirma ng DOH na nakabili na ito ng 2.7 milyong doses ng rabies vaccine para sa 2025, ngunit binigyang-diin ni Tulfo na dapat ayusin ang mga problema sa distribusyon upang matiyak na maaabot ng bakuna ang mga nangangailangan sa mga malalayong lugar.

Nangako ang Senate committee na patuloy nilang babantayan ang isyu at itutulak ang agarang reporma sa produksyon ng anti-venom at programa ng pagbabakuna laban sa rabies, dahil mahalaga anilang maisalba ang buhay ng mga Pilipino.