Calendar
Source: MPIO
Kalahok sa Manila Summer Pride welcome lahat — Mayor Isko
AARANGKADA na ang Manila Summer Pride Parade 2026 sa Sabado, Abril 25 na magsisimula alas-4 ng hapon sa South Road, Ermita, Manila.
Ayon kay Manila Mayor Isko Moreno Domagoso, lalahukan ng LGBTQIA+ community, kanilang mga kapanalig, pamilya, barkada, at komunidad ang parada na magsisimula sa Quirino Grandstand at magtatapos sa Remedios Circle.
Itatampok sa kaganapan ang masigla at makukulay na floats, malikhaing kasuotan, drag performance, at pakikilahok ng komunidad.
Ayon sa alkalde, hindi lamang ito basta parada kundi isa itong deklarasyon ng paninindigan para sa dignidad, pagkakapantay-pantay, at ligtas na espasyo para sa lahat.
Binanggit naman ng Department of Tourism, Culture and Arts of Manila (DTCAM) na may matagal ng papel ang LGBTQIA+ community sa paghubog sa pagkakakilanlan ng Maynila kung saan nagpapakita ang mga ito ng naging pamana ng Malate at kontribusyon ng komunidad sa sining, modelo, at kung ano ang takbo ng buhay dito tuwing gabi.
Personal namang inihayag ni Mayor Isko Moreno ang malugod niyang pagtanggap sa mga kalahok. “Welcome po kayong lahat sa Maynila,” pahayag ng alkalde.
