Martin

Kamara agad na nagtrabaho, 11 panukala tinapos sa unang araw ng sesyon

162 Views

INAPRUBAHAN ng Kamara de Representantes sa ikatlo at huling pagbasa ang 11 panukala sa muling pagbubukas ng sesyon nito matapos ang Halloween break.

“We immediately buckled down to work on the first day of our resumption of session. It was a productive day,” sabi ni Speaker Martin G. Romualdez.

Ang araw ng Lunes ay nakalaan sa privilege hour ng mga miyembro bukod sa pagbabasa ng mga inihaing panukala, resolusyon, at komunikasyon mula sa iba’t ibang ahensya at komite.

“But yesterday (Monday), we managed to pass bills of national and local importance, thanks to the cooperation of every House member,” dagdag pa ni Romualdez.

Isa sa inaprubahan ang House Bill (HB) No. 5087 na akda ni Deputy Speaker at Pampanga 3rd District Rep. Aurelio “Dong” Gonzales Jr., na naglalayong magkaroon ng subject tungkol sa National Building Code sa mga engineering at architecture course.

Ipinasasama rin ito ng panukala sa licensure examinations.

Inaprubahan din ng Kamara ang HB No. 5110 upang maproteksyunan ang Philippine cultural heritage sa pamamagitan ng paggawa ng cultural mapping at pagpapalakas ng cultural heritage education program.

Pasado na rin sa Kamara ang HB No. 3622 na nagpapalawig sa buhay ng Philippine Aerospace Development Corp., na nasa ilalim ng Department of National Defense (DND) ng 50 taon.

Pinagtibay din ng Kamara ang mag resolusyon ng pagkondena sa pagpatay sa brodkaster na si Percy Lapid, at pakikiramay sa pamilya ng mga nasawi at nasalanta ng bagyong Paeng.

Ang mga resolusyon ay akda nina Speaker Romualdez, Majority Leader at Zamboanga City Rep. Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe, Minority Leader at 4Ps party-list Rep. Marcelino Libanan, senior Deputy Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Ferdinand Alexander “Sandro” A. Marcos, Tingog party-list Reps. Yedda Marie K. Romualdez at Jude A. Acidre.

Ang walo pang ibang naaprubahan ng Kamara ay ang:

– HB 5167 na akda nina Representatives Afelito Bascug at Eddiebong Plaza at nagdedeklara sa Tugonan Waterfalls sa Barangay San Lorenzo, Prosperidad, Agusan del Sur, bilang ecotourism site,

– HB 5168 na nagdedeklara sa paligid ng National Shrine of our Mother of Perpetual Help o Baclaran Church sa Parañaque City. Ito ay akda ni Rep. Edwin Olivarez.

– HB 5169 na akda ni Gonzales na nagdedeklara sa Mount Arayat sa Pampanga bilang ecotourism destination

– HB 5170 na nagdedeklara sa Luzon Datum sa Barangay Hinanggayon sa Mogpog, Marinduque bilang isang tourist spot. Akda ito ni Rep. Lord Allan Jay Velasco.

– HB 5171 na nagdedeklara sa Cebu Safari and Adventure Park sa Barangay Corte, Carmen, Cebu, bilang tourism destination. Ito ay akda ni Rep. Vincent Franco Frasco.

– HB 5172 na nagdedeklara sa Dao tree na matatagpuan sa Cagayan de Oro City, bilang Cagayan de Oro Heritage Tree at isang tourist attraction, at akda ni Rep. Rufus Rodriguez.

– HB 5173 na nagdedeklara sa Guinsaugon Eco-adventure Park sa Southern Leyte bilang tourism destination. Akda ito ni Rep. Christopherson Yap.

– HB 5174 na nagdedeklara sa Passig islet sa Davao del Sur bilang ecotourism site. Akda ito ni Rep. Tracy Cagas.

Ipinag-utos ng Kamara ang agad na pagpapadala sa mga naaprubahang panukala sa Senado.