Calendar

Kamara di nagpapahirap, gusto umusad ng tuloy-tuloy ang impeachment trial— House spox
NILINAW ni Atty. Princess T. Abante, ang tagapagsalita ng Kamara de Representantes, na hindi nagpapahirap ang Kamara de Representantes sa mga proseso ng impeachment at ang nais lamang ay tuloy-tuloy na ang maging pag-usad ng paglilitis kay Vice President Sara Duterte.
Sa isang press conference nitong Miyerkoles, sinabi ni Abante na wala namang pinapahirapan ang Kamara at nais lamang nitong magpatuloy “forthwith” o agad-agad ang paglilitis, gaya ng itinatakda ng Saligang Batas.
Aniya, hindi kaagad tinanggap ng Kamara ang pagbabalik ng Senado sa inihain nitong Articles of Impeachment dahil pinagtibay ng plenaryo nito ang isang mosyon na ipagpaliban ang pagtanggap nito.
“Well, hindi naman kami nagpapahirap. Kaklaruhin natin kung ano ‘yung mga factual na pangyayari doon sa mga binanggit ni Senate President Chiz Escudero. On June 11, during the last session day of the 19th Congress, a motion was made to defer the acceptance of the remand of the articles of impeachment which was approved by the plenary. Kaya hindi pa matanggap ng House because there was a motion approved sa plenary,” pahayag ni Abante bilang tugon sa sinabi ni Senate President Francis “Chiz” Escudero.
Nilinaw din ni Abante ang umano’y pagtanggi ng Kamara na tanggapin ang entry of appearance ng mga abogado ni VP Duterte sa impeachment court.
Ayon sa kanya, hindi tinanggap ang dokumento dahil hindi sinabi ng messenger kung ano ang laman nito.
“Doon naman sa entry of appearance (of VP Duterte lawyers), again, pinapaliwanag natin, wala naman tinanggihan. Hindi nga lang kasi nagpakilala ng maayos ang mensahero kung ano yung binibigay nila sa House na dokumento. Hindi naman sinabi kung entry of appearance to o para saan,” ani Abante.
Giit pa ni Abante, dapat nang magpatuloy ang paglilitis ng impeached vice president sa Senado “forthwith.”
“Walang tinatanggihan, walang pinahihirapan. Ang gusto natin, isang trial na maisagawa forthwith. Kasi dapat lang matuloy ang trial. Yun naman ang nakalagay sa Saligang Batas eh. Wala naman tayong pinanghuhugutang pang personal o politika. Ang sinusunod lang natin ‘yung nakalagay sa Saligang Batas which is to proceed with the impeachment proceedings forthwith,” diin ng tagapagsalita.
Ipinunto rin ni Abante na nagampanan na ng Kamara de Representantes ang bahagi nito sa impeachment laban sa Pangalawang Pangulo, alinsunod sa Konstitusyon.
“We had more than 200 members of the House that have endorsed the articles of impeachment at nai-transmit na ito sa Senado. Nagampanan na ng House ang kanyang tungkulin at patuloy na ‘yun ang aming magiging posisyon na constitutional ‘yung naging pag-transmit…ng Kamara sa Senado ng articles of impeachment,” dagdag pa ni Abante.