Calendar
Kamara in-impeach VP Sara Duterte
SA isang makasaysayang desisyon, na-impeach ng House of Representatives nitong Miyerkules si Bise Presidente Sara Duterte dahil sa serye ng mabibigat na alegasyon, kabilang ang pagsasabwatan upang ipapatay si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., malawakang korapsyon, maling paggamit ng pondo ng gobyerno, at pagkakasangkot sa extrajudicial killings.
Pinaboran ng 215 mambabatas mula sa iba’t ibang partido ang pitong Articles of Impeachment, na kauna-unahang pagkakataon sa kasaysayan ng Pilipinas na naharap ang isang nakaupong bise presidente sa impeachment. Ito’y magdudulot ng paglilitis sa Senado na maaaring humantong sa pagtanggal kay Duterte sa puwesto.
“There is a motion to direct the Secretary General to immediately endorse to the Senate the impeachment complaint having been filed by more than one-third of the membership of the House or a total of members. Is there any objection? The chair hears none. The motion is approved. The Secretary General is so directed,” sabi ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez.
Kasabay nito, itinalaga ng House of Representatives ang 11-member House Prosecution Panel na binubuo nina Reps. Gerville “Jinky Bitrics” R. Luistro, Romeo Acop, Rodge Gutierrez, Joel Chua, Jil Bongalon, Loreto Acharon, Marcelino Libanan, Arnan C. Panaligan, Ysabel Maria J. Zamora, Lorenz R. Defensor at Jonathan Keith T. Flores.
“This is about upholding the Constitution and ensuring that no public official, regardless of their position, is above the law,” pahayag ni Speaker Romualdez matapos ang botohan.
Anim na pangunahing alegasyon ang isinampa laban kay Duterte, na konektado sa mga paglabag sa 1987 Constitution, Anti-Graft and Corrupt Practices Act at iba pang batas:
1. Pagsasabwatan para patayin sina Pangulong Marcos, First Lady at Speaker Romualdez
Isa sa pinakamabigat na akusasyon ay ang umano’y plano ni Duterte na ipapatay sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at Speaker Romualdez.
Nagprisinta ang mga imbestigador ng ebidensyang naglalaman ng diumano’y pag-amin ni Duterte na umupa siya ng mamamatay-tao para patayin ang mga matataas na opisyal ng gobyerno.
Nagdulot ito ng seryosong pangamba sa seguridad ng bansa.
Iginiit ng mga mambabatas na ang pananatili ni Duterte sa puwesto ay nagdudulot ng direktang banta sa pambansang katatagan, kaya’t itinuturing na kinakailangan ang impeachment.
2. Malversation ng P612.5 milyong confidential funds
Inakusahan si Duterte ng maling paggamit ng P612.5 milyon habang nanunungkulan bilang Bise Presidente at kalihim ng Department of Education (DepEd). Natuklasan ng mga imbestigador ang sumusunod:
• P254.8 milyon na kuwestyonableng pondo mula sa Office of the Vice President (OVP) na konektado sa 1,322 pekeng benepisyaryo.
• P43.2 milyon mula sa umano’y ghost transactions na may kaugnayan sa 405 pekeng pangalan sa DepEd confidential fund.
• Testimonya ng mga Special Disbursing Officer (SDO) na nagsabing inutusan silang ibigay ang pondo sa mga hindi awtorisadong indibidwal.
3. Panunuhol at korapsyon sa DepEd
Inakusahan din si Duterte ng panunuhol at pagmamanipula ng pondo sa DepEd. Ayon sa ebidensya, aprubado umano ni Duterte ang pagbibigay ng monetary gifts at bribes sa mga opisyal ng procurement at bidding processes.
Kabilang sa mga nadawit ay sina:
• Dating DepEd Undersecretary Gloria Jumamil-Mercado (Procurement Head)
• Bids and Awards Committee Member Resty Osias
• DepEd Chief Accountant Rhunna Catalan
• Special Disbursing Officer Edward Fajarda
Natuklasan din sa imbestigasyon na sinubukan ni Atty. Reynold Munsayac, dating tagapagsalita ni Duterte, na manipulahin ang DepEd Computerization Program upang paboran ang mga piling kontraktor—isang paglabag sa Republic Act No. 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act.
4. Di-maipaliwanag na yaman at pagkabigong magdeklara ng ari-arian
Sa pagsusuri ng Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN) ni Duterte, natuklasan ang mga sumusunod:
• Apat na beses na pagtaas ng kanyang net worth mula 2007 hanggang 2017 nang walang lehitimong pagtaas ng kita.
• Hindi bababa sa P2 bilyon na kahina-hinalang transaksyon na konektado sa mga joint bank account kasama si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
• Kabuuang hindi maipaliwanag na kita na P111.6 milyon mula 2006 hanggang 2015.
Ang pagkabigo na ganap na ideklara ang ari-arian at mga pinagkukunan ng kita ay itinuturing na paglabag sa Section 17, Article XI ng 1987 Philippine Constitution, na nagbibigay ng dagdag na dahilan para sa impeachment.
5. Pakikilahok sa extrajudicial killings (Davao Death Squad)
Nagpatotoo si dating pulis SPO4 Arturo Lascañas na sangkot si Duterte sa Davao Death Squad (DDS) noong siya ang alkalde ng Lungsod ng Davao.
Ayon kay Lascañas:
• Personal umanong iniutos ni Duterte ang mga pagpatay sa ilalim ng Operation Tokhang.
• Lihim na inilibing ang mga katawan ng mga biktima sa mass graves sa Laud Quarry.
Ang mga alegasyong ito ay nagdudugtong kay Duterte sa malubhang paglabag sa karapatang pantao at nagpapalakas ng kaso ng impeachment laban sa kanya sa ilalim ng crimes against humanity at abuse of authority.
6. Destabilisasyon, insurhensiya at pampublikong kaguluhan
Inaakusahan si Duterte ng pakikilahok sa mga hakbang na naglalayong i-destabilize ang gobyerno ng Pilipinas, kabilang na ang:
• Pagsuway sa State of the Nation Address (SONA) habang idineklara ang sarili bilang “designated survivor.”
• Pamumuno ng mga rally na nanawagan ng pagbibitiw ni Pangulong Marcos Jr.
• Pampublikong pagtatanggol kay Apollo Quiboloy, isang alyadong pugante na inakusahan ng malulubhang krimen.
• Pagharang sa mga imbestigasyon ng Kongreso sa pamamagitan ng pag-uutos sa mga tauhan na huwag sundin ang mga subpoena.
• Pagbabanta ng pisikal na pananakit laban sa Pangulo, Unang Ginang at kay Speaker Romualdez.
Itinuring ng mga mambabatas ang mga aksyong ito bilang sedisyon at insurhensiya, na lalong nagpapatibay ng impeachment laban kay Duterte.
Matapos ang boto ng Kamara, agad na ipinadala ni Speaker Romualdez ang Articles of Impeachment sa Senado, kung saan haharap si Duterte sa paglilitis sa Impeachment Court.
Kinakailangan ng dalawang-katlong boto ng Senado upang mapatunayang nagkasala at tanggalin si Duterte sa puwesto. Kapag napatunayang nagkasala, permanente rin siyang ipagbabawal na humawak ng anumang pampublikong posisyon sa hinaharap.