Paduano

Kamara ipina-subpoena 3 supplier ng Mexico, Pampanga

Mar Rodriguez Aug 16, 2023
172 Views

Kaugnay ng P149M kuwestyunableng transaksyon

IPINA-SUBPOENA ng House committee on public accounts ang tatlong supplier kaugnay ng umano’y kuwestyunable transaksyon nito sa lokal na pamahalaan ng Mexico, Pampanga na may kabuuang halagang P149 milyon.

Iniutos ng chairman ng komite na si Abang Lingkod party-list Rep. Joseph Stephen Paduano ang pagpapalabas ng subpoena laban kina Aedy Tai Yang, Rizalito Dizon at Roberto Tugade matapos katigan ng mga miyembro ng komite ang mosyon ni Surigao del Sur Rep. Johnny Pimentel na sinegundahan ni Cavite Rep. Elpidio Barzaga Jr.

Ang mosyon sa pagpapalabas ng subpoena ay nag-ugat sa ilang ulit na hindi pagdalo ng tatlo sa pagdinig ng komite na nag-iimbestiga sa kanilang transaksyon sa lokal na pamahalaan ng Mexico na pinamumunuan ni Mayor Teddy Tumang.

Sina Dizon at Tugade ay equipment at medical supplier samantalang si Yang ang nagbenta sa Mexico municipal government ng isang hektaryang lupa na tatayuan ng municipal hall sa halagang P2,950 kada metro kuwadrado.

Sa sulat na ipinadala ni Yang kay Paduano noong Agosto 2, sinabi ni Yang na hindi ito makadadalo dahil mayroon itong “previous commitments.”

“Rest assured, if my presence is required in succeeding committee hearings, I am more willing to attend the same,” sabi ni Yang sa sulat.

Subalit sa pagdinig noong Miyerkoles ay hindi muli dumalo si Yang.

Hiningi ni Paduano ang tulong ng Philippine National Police (PNP) sa Pampanga sa paghahanap sa tatlo.

Ang lupang ibinenta ni Yang at ang 1.8 hektarya na binili ng munisipyo mula sa mag-asawang Arnel at Sonia Pangilinan sa Barangay San Antonio ay planong tayuan ng bagong munisipyo at convention center.

Ibinenta ng mag-asawang Pangilinan ang kanilang lupa sa halagang P2,800 kada metro kuwadrado o sa halagang mahigit P50 milyon.

Sa pagtatanong ni SAGIP party-list Rep. Rodante Marcoleta sa pagdinig noong Miyerkoles, sinabi ng mag-asawang Pangilinan na binili nila ang lupa sa halagang P300 kada metro kuwadrado noong Hulyo 11, 2022 at ibinenta ito sa lokal na pamahalaan ng Mexico sa halagang P50,033,200 makalipas ang anim na buwan.

“This is a wetland, why did you sell it at such a high price and why the municipal government bought it at that price?,” tanong ni Marcoleta.

Sinabi ni Sonia Pangilinan na tumaas ang presyo ng lupa dahil mula sa pagiging agricultural land ay na-convert ito bilang industrial land.

Ayon kay Marcoleta, binili ni Yang at mag-asawang Pangilinan ang lupa sa magkaparehong araw, noong Hulyo 11, 2022.

Iisang abugado rin umano ang nagnotaryo sa deed of absolute sale ng dalawang lupa at ang titulo ng mga ito ay kinansela ng Register of Deeds sa magkaparehong araw.

“Two days later, the Register of Deeds issued new titles to Mr. Yang and the Pangilinan couple. Ang lakas niyo sa Register of Deeds,” dagdag pa ni Marcoleta.

Sinabi ni Marcoleta na kaduda-duda ang pagkakapareho ng pangyayari sa dalawang lupa na binili ng munisipyo.

Ayon kay Marcoleta nakamura umano sana ang munisipyo kung binili ng munisipyo ang mga lupa sa pamamagitan ng expropriation.

“Since these were purchased for P300 per square meter, you could have offered P500 and saved your town about P65 million. The sellers would have had no choice but to sell because it is the right of government to resort to expropriation in case of a badly needed property,” sabi ni Marcoleta kay Mayor Tumang.

Sinabi naman ni Tumang na hindi nito alam na maaaring gamitin ang expropriation sa pagbili ng lupa kung saan itatayo ang municipal hall at convention center at ang alam niya ay maaari lamang itong gawin sa mga lupa na lalagyan ng kalsada.

Matapos i-audit ang P149 milyon kinukuwestyong transaksyon, dinisallow ng Commission on Audit ang P82 milyon dito. Ibinalik na ni Mayor Tumang at kanyang mga kasama ang P43 milyon sa naturang halaga.

Hindi ibinalik sa itinakdang oras ang P39 milyon kaya ipinadala ng COA ang report nito sa Office of the Ombudsman.

Inaprubahan din ng komite noong Miyerkoles ang mosyon ni Marcoleta na magsagawa ng isa pang fraud audit kaugnay naman ng pagbili ng lupa ng lokal na pamahalaan ng Mexico sa halagang P79.5 milyon.

Sa naturang pagdinig, sinabi ng kinatawan ng Development Bank of the Philippines na pinoproseso na ng bangko ang pagkansela sa P950 milyong inuutang ng bayan ng Mexico para sa pagtatayo ng municipal hall at convention center dahil sa mga impormasyon na nakuha nito mula sa pagdinig ng komite.