Nora

Kamara: Nora, Pilita inspirasyon ng mga henerason na mangarap, magsumikap

14 Views

PilitaPORMAL na inaprubahan ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang dalawang resolusyon na nagpapahayag ng taos-pusong pakikiramay sa pagpanaw ng dalawa sa pinakamamahal at pinakakilalang mga ikonong kultural ng bansa — si Pambansang Alagad ng Sining para sa Pelikula at Brodkast na si Nora Aunor, at si Asia’s Queen of Songs na si Pilita Corrales.

Pinangunahan ni Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez, isa sa mga pangunahing may-akda ng House Resolution (HR) Blg. 2288 at 2289, ang pagpupugay ng mga mambabatas sa mga naiambag ng dalawang yumaong alamat sa sining, kultura, at pambansang pagkakakilanlan ng mga Pilipino.

“Pinararangalan natin sina Ms. Nora Aunor at Ms. Pilita Corrales hindi lamang sa kanilang husay sa entablado at pelikula, kundi sa inspirasyong ibinahagi nila sa maraming henerasyon ng Pilipino para mangarap at magsumikap,” ani Speaker Romualdez.

“Madaming Pilipino ang lumaki sa mga pelikula at kanta nila, kaya isa silang malaking bahagi ng buhay nating mga Pilipino,” dagdag pa niya.

Ang mga resolusyong ito ay inihain nina Speaker Romualdez, Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr., Deputy Speaker David “Jay-Jay” Suarez, Majority Leader Mannix Dalipe, Minority Leader Marcelino Libanan, Senior Deputy Majority Leader Ferdinand Alexander Marcos, at mga kinatawan ng Tingog Party-list na sina Yedda K. Romualdez at Jude Acidre.