BBM

Kamara pinagtibay suporta sa Medium-Term Fiscal Framework ni PBBM

206 Views

PINAGTIBAY ng Kamara de Representantes ang House Concurrent Resolution No. 2 na sumusuporta sa 2022-2028 Medium-Term Fiscal Framework ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.

Layunin ng resolusyon na inihain nina Speaker Martin G. Romualdez, House Majority Leader at Zamboanga City 2nd District Rep. Manuel Jose “Mannix” M. Dalipe at House Minority Leader at 4PS party-list Rep. Marcelino C. Libanan na gamitin ang fiscal framework ng Pangulo sa mga panukalang batas na aaprubahan ng Kongreso.

Gagawa ng mga hakbang ang Kongreso upang matiyak na sa tamang programa mapupunta ang limitadong pondo ng gobyerno upang mas makinabang dito ang bansa.

Ayon kay Romualdez ang legislative agenda ay gagabayan ng target ni Marcos na 6.5 porsyento 7.5 porsyento paglago sa gross domestic product ngayong taon; 6.5 porsyento hanggang 8 porsyentong paglago ng GDP mula 2023 hanggang 2028; pagbaba sa 9 porsyento o single digit ng poverty incident sa 2028; 3 porsyentong National Government deficit to GDP ratio sa 2028; mas mababa sa 60 porsyentong National Government debt-to-GDP ratio sa 2025; at hindi bababa sa $4,256 gross national income per capita upang umakyat ang Pilipinas sa upper middle-income status.

Nangako ang Kamara na itataguyod ang mga panukalang batas na alinsunod rin sa long-term socioeconomic vision na Ambisyon Natin 2040.

Ang MTFF ay rerepasuhin sa 2025 upang matukoy ang mga narating na ang bansa at maikonsidera ang magiging kondisyon ng ekonomiya.