BBM

Kamara pormal na binuksan ikatlong regular session ng 19th Congress, para tanggapin si PBBM sa SONA nito

Mar Rodriguez Jul 22, 2024
54 Views

PINANGUNAHAN ni Speaker Ferdinand Martin Romualdez ang Kamara de Representantes sa pagbubukas ng ikatlo at huling regular session ng Kamara de Representantes kasabay ng paghahanda sa joint session nito kasama ang Senado para tanggapin si Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. at pakinggan ang kanyang ikatlong State of the Nation Address (SONA).

Inaprubahan ng Kamara ang apat na resolusyon para sa pagsasagawa ng makasaysayang talumpati ng Pangulo kung saan inaasahang ilalahad nito ang mga nagawa ng kanyang administrasyon sa nakaarang mga taon at ang mga plano nito sa mga susunod na taon.

Ang Sinirangan Chamber Singers ang umawit ng Philippine National Anthem na sinundan ng doxology ng I Love Tacloban Quartet Singers.

Sa pagbubukas ng ikatlong regular session ay dumalo ang 262 miyembro ng Kamara.

Ang unang order of business ay ang pagpapatibay sa House Resolution (HR) No. 1799 upang ipa-alam sa Senado na mayroong quorum ang Kamara at nabuksan nito ang sesyon.

Sinundan ito ng pagpapatibay sa HR No. 1800 upang ipa-alam kay Pangulong Marcos na ang Kamara ay handa na upang gampanan ang mandato nito.

Ang ikatlong pinagtibay ay ang House Concurrent Resolution (HCR) No. 27, na nagpapatawag sa joint session ng Senado at Kamara upang dinggin ang SONA ng Pangulo.

Pansamantalang sinuspendi ng Kamara ang sesyon upang ipadala sa Senado ang kopya ng tatlong resolusyon at hinintay ang pag-apruba ng Senado ng mga kaparehong resolusyon.

Sumunod dito ay inampon ng Kamara ang Senate Concurrent Resolution (SCR) No. 19 upang balangkasin ang joint committee na magpapa-alam sa Pangulo na bukas na ang ikatlong regular session at handa ang dalawang kapulungan ng Kongreso para sa SONA.

Sinundan ito ng pagtatalaga ng Kamara sa komite na magpapa-alam sa Pangulo ng mga inaprubahang resolusyon. Ang mga itinalaga ay sina Senior Deputy Speaker Aurelio “Dong” Gonzales Jr. and Deputy Speakers David “Jay-jay” Suarez, Yasser Alonto Balindong, Roberto Puno, Kristine Singson-Meehan, Camille Villar, Raymond Democrito Mendoza, Vincent Franco “Duke” Frasco, at Antonio “Tonypet” Albano.

Sinuspendi ang sesyon upang magawa ng komite ang kahandaan ng Kongreso na tanggapin ang Pangulo para sa SONA nito.

Matapos iulat na naipa-alam na sa Pangulo ang kahaandaan ng Kongreso, muling sinuspendi ng Kamara ang sesyon hanggang alas-4 ng hapon kung saan pormal na magsasalita ang Pangulo para sa kanyang ulat sa bayan.