OVP

Kamara tuloy sa pag-iimbestiga sa confidential fund

44 Views

TINIYAK ng mga miyembro ng Young Guns ng Kamara de Representantes na magpapatuloy ang imbestigasyon kaugnay ng umano’y maling paggamit ng confidential fund kahit pa maharap si Vice President Sara Duterte sa mga kaso kaugnay ng kanyang pagbabanta kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ayon kay House Assistant Majority Leader at Ako Bicol Party-list Rep. Raul Angelo “Jil” Bongalon nagsimula na ang proseso ng legal na aksyon laban kay VP Duterte sa Department of Justice (DOJ) at National Bureau of Investigation (NBI), kaugnay ng sinabi nito na ipapapatay sina Pangulong Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos, at Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.

“The DOJ through the NBI has started its investigation and a subpoena will be issued for the Vice President to answer and to face this criminal charge,” ayon kay Bongalon.

“Due process will be observed in such a way that the Vice President will be given the opportunity to answer with regard to this threat against the President, the First Lady, including the House Speaker,” dagdag pa nito.

Bilang reaksyon sa kamakailang pahayag ni dating Pangulong Rodrigo Roa Duterte na dapat sampahan na lamang ng kaso ang kanyang anak na si VP Duterte, sinabi ni Deputy Majority Leader at La Union Rep. Paolo Ortega na ang naturang pahayag ay tila pangmamaliit sa bigat ng paratang.

“Opinyon naman niya yon eh. Ginagawa po ng Kongreso ngayon, hinahalungkat po natin ‘yung mga nandito sa ating mga hearing, saka sa Quad Comm,” ayon kay Ortega, na tinukoy ang iregularidad sa paggastos ng P612.5 milyon confidential funds ng OVP at DepEd.

Iginiit ni Ortega na siniseryoso ng Kamara ang mga banta ng bise presidenteat sa umano’y maling paggamit ng pondo ng bayan, kasabay ng pagsuporta sa naunang pahayag ni Pangulong Marcos na kumondena sa mga nasabing banta.

Sinabi naman ni 1RIDER Party-list Rep. Rodge Gutierrez na hindi dapat matabunan ng mga pahayag ng dating Pangulo ang bigat ng alegasyon laban sa kaniyang anak na si VP Duterte.

“We stand by the rule of law and we stand by the statement of the President and the Speaker,” saad ni Gutierrez.

Dagdag pa niya, nasimulan na ang legal na proseso at dapat nang ipaubaya ang usapin sa DOJ.

Inulit ng mga mambabatas na magpapatuloy at walang makakahadlang sa imbestigasyon ng Kamara sa umano’y maling paggamit ng confidential funds ng pangalawang pangulo.

Ang mga imbestigasyong ito ay nagbunyag ng mga iregularidad sa paggamit ng malaking halaga ng pondo, na lalong nagpalala sa mga alalahanin ng publiko hinggil sa transparency at pananagutan ng tanggapan ni Duterte.

Ipinunto ni Bongalon ang kahalagahan ng pagtugon sa parehong legal at congresional investigation.

“This will undergo a regular process,” saad nito.

Kinondena ni Gutierrez ang anumang pagtatangka na maliitin ang mga paratang sa pamamagitan ng sobrang paglalarawan o pampulitikang komentaryo.

Habang nagpapatuloy ang mga imbestigasyon, muling pinagtibay ng Young Guns ang kanilang dedikasyon sa pagpapapanagot sa mga pampublikong opisyal na sangkot sa usapin ng maling paggasta sa pondo ng bayan.

“Ang mahalaga po dito ay ang pagsunod sa batas at pagtiyak na ang pera ng bayan ay ginagamit ng tama,” giit pa ni Bongalon.