Statement

Kampo ni Romualdez: “Binabaluktot ng PGMN ang naratibo” kaugnay ng pag-aresto kay Mabanta

24 Views

MARIING itinanggi ng kampo ni Leyte Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez nitong Huwebes ang mga pahayag na ang pag-aresto sa founder ng Peanut Gallery Media Network (PGMN) na si Franco Mabanta ay isang pag-atake sa kalayaan sa pamamahayag. Iginiit nilang ang kaso ay tungkol umano sa pangingikil at hindi sa pamamahayag.

Sa isang pahayag, sinabi ni Atty. Elaine A. Atienza, tagapagsalita ni Romualdez, na hindi dapat ilarawan ang usapin bilang may kinalaman sa malayang pananalita o pagpuna sa gobyerno.

“Binabaluktot ng PGMN ang naratibo,” ani Atienza.

“Ang isyu dito ay hindi tungkol sa malayang pamamahayag. Lalong hindi ito tungkol sa karapatan ng sinuman na punahin ang gobyerno. Ang tunay na tanong: may humingi ba ng pera kapalit ng katahimikan?” dagdag niya.

Ayon kay Atienza, ginawa lamang umano ni Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez ang dapat gawin ng sinumang nasa kaparehong sitwasyon matapos umano siyang malantad sa tangkang pangingikil.

“Ginawa lamang ni Rep. Ferdinand Martin G. Romualdez ang gagawin ng sinumang taong nasa parehong sitwasyon — iniulat niya ang usapin sa tamang awtoridad, at kumilos ang NBI batay sa ulat na iyon alinsunod sa mandato nito sa ilalim ng batas,” aniya.

Binasura rin ng tagapagsalita ang anumang materyales o exposé na sinasabing hawak ng PGMN laban sa mga opisyal ng gobyerno, at sinabing walang kaugnayan ang mga ito sa kasalukuyang imbestigasyon sa umano’y pangingikil.

“Anumang materyales o exposé na sinasabi nilang hawak nila ay walang kinalaman sa mga alegasyon ng extortion na iniimbestigahan ngayon,” sabi ni Atienza.

“Kung may naniniwala na mayroon siyang ebidensiya ng maling gawain ng mga opisyal ng gobyerno, simple lang ang tamang hakbang: ilabas ito, isumite sa mga awtoridad, at hayaang umaksyon ang mga tamang institusyon — hindi gamitin ito bilang panakot kapalit ng pera,” dagdag niya.

Iginiit din ni Atienza na umano’y nakapaghanda na noon pa ng isang video ang PGMN ngunit pinili nilang huwag itong ilabas.

“Iyan ang ginawa umano ng PGMN: gumawa sila ng video na sinasabing handa nang ilabas ilang linggo na ang nakalipas ngunit pinili pa ring hindi ilabas. Hindi iyan pamamahayag, iyan ay pangingikil,” aniya.

Ayon pa sa kanya, ang kaso ay pagbabatayan sa huli ng ebidensiya at due process, hindi ng mga naratibo sa social media.

“Sa huli, ang kasong ito ay pagpapasyahan batay sa mga katotohanan, ebidensiya, at tuntunin ng batas — hindi sa magkakatunggaling naratibo sa social media,” sabi ni Atienza.

Nagbabala rin siya na maaaring makasira ang ganitong mga kilos sa kredibilidad ng lehitimong media.

“Ang ganitong asal ay sumisira sa lehitimong pamamahayag at nagpapahina sa tiwala ng publiko sa tunay na mga institusyon ng media,” aniya.

“Simple lang po ito: Sa demokrasya, malayang pumuna. Pero malinaw po sa ating batas: Isang krimen ang pangingikil,” dagdag pa ni Atienza.