Calendar
Matibag: Marked money, di galing sa biktima perang ginamit sa entrapment ni Mabanta

SINABI ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Atty. Melvin Matibag na ang ginamit na pera sa entrapment ng limang tao, kabilang si Peanut Gallery Media Network (PGMN) founder at CEO Franco Mabanta, ay ‘marked money’ at hindi nanggaling sa biktima.
Ang mga suspek ay inaresto sa tangka umanong mangotong sa isang mambabatas ng P350 million kapalit ng ‘di pagpapalabas ng umano’y mga videos tungkol sa anomalya sa flood control projects.
Sa presscon ng NBI ay iniharap sa mga mamamahayag ang mga suspek matapos ang tagumpay na operasyon sa Pasig noong Martes ng gabi.
“Alam n’yo po sa law enforcement yung P75 million hindi po kami nagdadala ng ganun at may sistema po tayo dyan.
Hindi galing sa biktima ang pera na ‘yan, wala pong ganun dahil ang nagpo-provide po jan ay ang National Bureau Investigation kasi marked money po,” sabi ng hepe ng NBI.
Ipinaliwanag niya na tunay na pera lamang ang inilalagay sa ibabaw ng mga bundle habang ang natitirang bahagi ay binubuo ng mga dummy bills.
Ayon pa kay NBI Director Matibag, dinampot ang mga suspek dahil sa malinaw na ebidensya dahil sinundan ng mga operatiba ng NBI ang ebidensya.
“Hindi tayo nakikinig sa opinyon or sabi-sabi kundi ang susundin natin ay yung ebidensya at sinigurado po namin na yung sumbong sa amin ay valid at inaksyunan at may kriminal offense po,” saad ni Matibag.
“Gayunpaman ang tinitignan namin ngayon ay ang platform ng PGMN na ito. May advertisement ba ito? Saan to kumikita? How can you maintain such number of anchors? So pag-aaralan po natin yon at ang panawagan ko na po kung meron pa pong mga nabiktima pala ng ganito, you have to come out and seek the assistance po ng National Bureau of Investigation,” dagdag ni Matibag.

