Sara Duterte

Kapakanan ng frontline health care workers itataguyod ni Mayor Inday

313 Views

HINDI kakalimutan ni vice presidential candidate at Davao City Mayor Sara Duterte ang kapakanan ng mga frontline health care workers kapag siya ay nanalo sa paparating na halalan.

Sa kanyang online show na Sara All For You, sinabi ni Duterte na hindi maikakaila ang malaking sakripisyo ng mga health care workers ngayong mayroong COVID-19 pandemic.

“Walang question sa kanilang sakripisyo na ginagawa so dapat tumataas yung sahod dahil hindi naman pangkaraniwan ‘yung ginagawa nila dahil we are in a pandemic,” sabi ni Duterte.

Bukod sa maayos na sahod, sinabi ni Duterte na dapat magkaroon ng mental wellness program para sa mga health care workers.

“Dapat ring i-institutionalize sa loob ng hospital ang mental wellness program. Kahit pagod na, nagta-trabaho pa rin sila, which is not good for their mental health,” dagdag pa ng alkalde.

Dahil wala pang kasiguruhan kung kailan maglalaho ang COVID-19, sinabi ni Duterte na dapat ay matutunan ng mamuhay ng kasama ito ng hindi nagpapatupad ng lockdown.

“Ituloy tuloy na natin ito kasi ito din yung basic minimum public health standard na kailangan nating i-observe to prevent infection,” sabi pa ng VP bet.

Binigyan-diin din ni Duterte ang pangangailangan na maging handa ang bansa para sa mga pandemyang darating sa hinaharap kaya dapat umanong buhusan ng pondo ang research and development ng Department of Science and Technology (DOST) para lumakas ang kakayanan ng bansa na mag-test at agad matukoy ang mga sakit at gamot na panlaban sa mga ito.