Kapunan

Kapunan: Paggamit ng depensa sa ‘banta’ video maituturing na pag-amin

22 Views

SINABI ni private prosecution counsel Lorna Kapunan na ang desisyon ng depensa na gamitin ang mismong video na iniharap at minarkahan bilang ebidensiya ng prosekusyon tungkol sa umano’y mga pagbabanta ni Pangalawang Pangulo Sara Z. Duterte ay hindi lamang pagkilala sa pagiging tunay nito, kundi maituturing ding pag-amin na siya nga ang nagsabi ng mga nakarekord na pahayag.

Iginiit ni Kapunan na hindi na maaaring sabihin ng depensa na ang naturang video ay binago, pinagdugtong-dugtong (spliced), o ginawa gamit ang artificial intelligence (AI) matapos nitong gamitin ang Exhibit P-4-10 sa sarili nitong presentasyon.

“So kagaya noong video on the Vice President, iyong sinabi niyang, ‘I’ve hired an assassin,’ may marking po iyon, Exhibit P-4-10, na ginamit din,” ani Kapunan.

Ipinaliwanag ni Kapunan na may pagkakaiba ang simpleng pagkilala sa pag-iral ng isang video at ang paulit-ulit na pagpapaliwanag kung bakit ginawa ang mga pahayag na nakapaloob dito.

“Ang mga nagsasabi na experts, hindi lang implied admission ito, confession,” aniya.

“Pero more ang sasabihin ko diyan, hindi lang admission iyan, confession siya,” diin pa niya.

“Anong ibig sabihin noon? Confession na sinabi niya lahat,” dagdag ni Kapunan.

Naging mahalagang bahagi ng Article IV ang naturang video. Inaakusahan dito si Bise Presidente Duterte ng culpable violation of the Constitution, betrayal of public trust, at iba pang mabibigat na krimen kaugnay ng kanyang mga pahayag laban kina Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr., Unang Ginang Liza Araneta-Marcos, at dating Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.

“Although mayroon silang sariling video, iyong video po namin ang ginamit ng defense, so hindi na nila puwedeng i-question iyong tampered, spliced, artificial intelligence, etc. Admitted na iyan,” diin ni Kapunan.

Nauna nang tumestigo ang isang technical witness ng National Bureau of Investigation (NBI) hinggil sa pinagmulan, chain of custody, at pagiging tunay ng video, bago naman tinalakay ng isa pang saksi ang nilalaman nito at ang naging resulta ng imbestigasyon ng ahensiya.

“Bakit pa magpo-prove kung impliedly admitted na ng Vice President and the defense that these statements were uttered?” tanong ni Kapunan.

Nagmula ang mga naturang pahayag sa online news conference ni Duterte noong Nobyembre 23, 2024. Matapos nito, iginiit niya na ang kanyang mga sinabi ay hindi maituturing na grave threat at inilarawan niya ang mga ito bilang tugon sa umano’y banta sa kanyang sariling buhay.