CIDG Source: CIDG

Kapwa akusado ni Roque inaresto ng CIDG, Ong hinahanting na

Alfred Dalizon May 26, 2025
424 Views

ISANG kapwa akusado ng dating tagapagsalita ni Pangulong Duterte na si Atty. Harry Roque sa isang kasong qualified trafficking in persons na hindi pinapayagang piyansahan ay naaresto ng mga operatiba ng Philippine National Police – Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) sa Mabalacat, Pampanga noong Huwebes, ayon kay PNP-CIDG Director, Major General Nicolas D. Torre III.

Ang suspek na kinilalang si alyas ‘Marlon’ ay nadakip sa Barangay Tabun ng mga miyembro ng CIDG Regional Field Unit 3 at CIDG Pampanga Provincial Field Unit sa tulong ng Mabalacat City Police Station, ayon sa opisyal.

Ayon kay Maj. Gen. Torre, si ‘Marlon’ ang operations officer ng isang security agency na kinontrata ng mga operator ng umano’y isang Philippine Offshore Gaming Operator (POGO) upang bantayan ang pasilidad sa Porac.

Sa isang ulat kay PNP Chief, General Rommel Francisco D. Marbil, sinabi ng opisyal na pinaigting na nila ang kanilang operasyon upang mahuli ang iba pang mga suspek kabilang sina Cassandra ‘Cassy’ Ong at 48 iba pa na may nakabinbing warrant of arrest mula sa Angeles City Regional Trial Court Branch 118 para sa paglabag sa Republic Act 9208 o Qualified Trafficking in Persons Act.

Ang warrant of arrest ay inilabas kasunod ng kasong kriminal na isinampa ng CIDG Anti-Organized Crime Unit kaugnay ng isinagawang search warrant sa Lucky South 99 POGO establishment na matatagpuan sa Grand Palazzo Royals, Fil-Am Friendship Highway sa Barangay Cutcut noong Hunyo 7, 2024.

Ayon pa kay Maj. Gen. Torre, si ‘Marlon’ ay may isa pang warrant of arrest para sa 10 bilang ng paglabag sa RA 9208 na inilabas din ng Angeles City RTC Branch 188, kung saan hindi rin inirerekomenda ang piyansa.

Pinuri ng opisyal ang mga pulis na nasa likod ng pagkakaaresto sa suspek at sinabing bahagi ito ng kanilang masigasig na kampanya upang mapanagot ang 51 akusado na nasa likod ng operasyon ng nasabing POGO hub at ng lahat ng wanted sa bansa.

“Siya ang una sa 51. Hinihikayat ko rin ang natitirang 50 na kasabwat na kusang sumuko sa CIDG at sa mga awtoridad dahil 24/7 kayong tinutugis ng aming mga tracker teams at mahuhuli rin kayo anumang oras,” ani Maj. Gen. Torre.