Martin

Karangalan para kay Speaker Romualdez na maging instrumento sa paghahatid ng tulong

153 Views

ISA umanong karangalan kay Speaker Martin G. Romualdez na maging instrumento upang makapaghatid ng tulong sa mga nasalanta ng bagyong Paeng.

Ito ang sagot ni Speaker Romualdez sa mga kongresista na naghahatid ng pasasalamat sa kanyang ginawang pangunguna sa donation drive ng Kamara de Representantes.

“Karangalan po natin na maging instrumento upang maipahatid ang tulong sa ating mga kababayan sa inyong distrito na naapektuhan ng bagyong Paeng,” sabi ni Romualdez na kinatawan ng unang distrito ng Leyte sa Kongreso.

Nang manalasa ang bagyong Paeng ay agad na pinulong ni Romualdez ang mga lider ng Kamara at nakipag-ugnayan sa iba’t ibang ahensya ng gobyerno upang matugunan ang pangangailangan ng mga lugar na nasalanta.

Dahil walang pondo ang Kamara na maaaring gugulin sa pagtulong sa kalamidad, pinangunahan ni Romualdez, kanyang may-bahay na si House Committee on Accounts chairperson Yedda Marie K. Romualdez, House Appropriations chairperson Zaldy Co at iba pang lider ng Mababang Kapulungan ang donation drive.

Halos P50 milyong cash donation at mahigit P26 milyong in-kind donation ang natanggap ng Kamara sa proyektong ito.