Nanloob

Karate instructor nangholdap gamit laruang baril, arestado

Edd Reyes Oct 13, 2024
106 Views

TIMBOG ang 41-anyos na karate instructor na umano’y nanloob gamit ang laruang baril sa isang kompanya sa Paranaque City nang matunton ng mga pulis noong Sabado ng hapon sa Maynila.

Tinangka pang pumalag at gamitin ni alyas Davy at pagiging bihasa sa karate pero hindi siya umubra sa mga pulis ng Paranaque Police Sub-Station 2 at Sta Ana Police Station ng Manila Police District (MPD) matapos masukol dakong ala-1:00 ng hapon malapit sa kanyang tirahan sa Yague St. Sta Cruz, Manila.

Sa ulat na tinanggap ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Bernard Yang, alas-5:20 ng umaga nang puwersahang pasukin ni alyas Davy ang Room No. 3 sa 784 Quirino Avenue, Brgy. Tambo, Paranaque City at nagdeklara ng holdap, gamit ang dalang baril, na itinutok sa tatlong kawani.

Nakuha ng suspek sa mga biktimang sina alyas John, 25, ang tatlong cellular phone, P5,000 cash kay alyas Francis, 23, at P4,000 cash kay alyas Ronel, 24, at saka tumakas sakay ng itim na Honda Click.

Inireport ng mga biktima sa hotline 911 ang insidente kaya’t nakapagresponde sina P/Maj. Ivan Soriano, commander ng Police Sub-Station-2, na namukhaan kaagad ang suspek nang marebisa ang nakakabit na CCTV camera sa lugar.

Sa pamamagitan ng global positioning system (GPS) sa tinangay na cellular phone ni alyas John, natunton ng pulisya ang kinaroroonan ng suspek sa Brgy. 833 Sta. Ana, Manila.

Nakipag-ugnayan sina Maj. Soriano sa MPD Sta Ana Police Station hanggang masundan nila si Davy malapit sa kanyang tirahan sa Sta Cruz.

Nabawi ng pulisya sa suspek ang tinangay niyang tatlong cellular phones nakumpiska rin ang ginamit na motorsiklo, replika ng kalibre .45 pistola, mga credit at reward cards na may iba’t-ibang pangalan, dalawang government ID na magkaiba ang pangalan, Philippine passport, swiss knife at P1,900 cash.