Calendar
Kasalang Bayan itinakda sa Maynila
MAGKAKAROON ng “Kasalang Bayan 2026” sa Hunyo 13 sa Maynila na isa sa bahagi ng pagdiriwang ng ika-455 taong anibersaryo ng pagkakatatag ng lungsod.
Inanyayahan ni Mayor Isko Moreno Domagoso ang mga magkasintahan at mag-live in partner na nagsasama ng walang kasal na maging bahagi ng Kasalang Bayan.
Ayon sa alkalde, sa pamamagitan ng ganitong programa ay magkakaroon na ng pagkakataon ang mga kuwalipikadong mag-parter na maikasal.
Kabilang sa mga dokumento na ipiprisinta ang certificate of no marriage (CENOMAR), marriage license mula sa City Civil Registry Office-Manila, birth certificate, valid government ID na may address sa Maynila, affidavit of cohabitation para sa nagsasama ng limang taon o higit pa; edad 25 taong gulang pataas; at may anak, at birth certificate ng anak.
Nagpaalala ang Manila Public Information Office (MPIO) na limitado lamang ang bilang ng slots at ipatutupad ang first-come, first-served basis. Tanging ang mga aplikanteng may kumpleto at aprubadong dokumento lamang din ang papayagang maikasal.
Para sa pagkuha ng aplikasyon, maaaring magtungo sa City Civil Registry Office na nasa Room 117 sa ground floor ng Manila City Hall.

