Arestado

Kasambahay inakusahan tinagay P.5M salapi, alahas ng amo, inaresto

Edd Reyes Sep 25, 2026
114 Views

INARESTO ng pulisya ang babaing kasambahay na inakusahang tumangay ng salapi at alahas ng kanyang amo na umaabot sa P500,000 sa Muntinlupa City.

Humingi ng tulong sa Muntinlupa City Police Station ang babaeng biktima nang matuklasan niya na puwersahang binuksan ang nakakandadong aparador sa loob ng kanyang silid ng kanilang bahay sa Sto. Niño Village, Barangay Tunasan noong Huwebes ng alas-5:00 ng hapon at wala na rin ang P200,000 cash at iba’t ibang uri ng alahas na aabot sa halagang P300,000.

Nang magresponde ang mga tauhan ni Southern Police District (SPD) Director P/BGen. Rodel Pastor, inamin ng 27-anyos na kasambahay na gumamit siya ng kutsilyo para mabuksan ang aparador matapos may tumawag sa kanya na kailangan ang naturang salapi at alahas upang ipambayad sa gastusin ng kanyang amo na naaksidente at kailangan ng tulong.

Ibinigay aniya niya ang salapi at alahas sa isang lalaki na sa paniwala niya ay isang delivery rider batay sa iniatas sa kanya ng kanyang kausap.

Sa kabila ng depensa ng suspek, inaresto pa rin siya ng mga operatiba ng Tunasan Police Sub-Station matapos ang ginawa nilang pagsusuri sa pangyayari.