Calendar

Kasinungalingan naglipana sa iba’t ibang social media platforms — Chairman Acidre
IKINABAHALA ni House committee on overseas workers affairs chairman Jude Acidre ng Tingog Party-list noong Biyernes ang talamak na paglaganap ng maling impormasyon sa mga social media platform.
Ayon kay Acidre, mas pinaghaharian na ngayon ng lantarang kasinungalingan at pekeng balita ang social media feeds ng mga Pilipino kaysa sa katotohanan.
“If lies dominate the feed, even well-intentioned citizens may find themselves misled, manipulated or misinformed,” babala ni Acidre, na siya ring House Minority Leader, sa kanyang pambungad na pahayag sa tri-committee hearing noong Biyernes hinggil sa fake news at disinformation.
Ipinaliwanag din ni Acidre ang psychological impact ng pag-ulit-ullit ng kasinungalingan.
“Modern psychologists call it the ‘illusion of truth’ effect: when people hear something over and over again—whether it’s true or not—they begin to believe it,” saad ng mambabatas.
Binigyang-diin pa niya ang papel ng social media algorithms sa pagpapalakas ng epekto nito, kung saan sinabi niyang ang mga sistemang ito ay “supercharge” ang pagkalat ng maling impormasyon.
“Social media platforms, algorithms, and virality amplify repetition at unprecedented speeds,” ani Acidre.
Binigyang pansin din ng kongresista ang responsibilidad ng mga influencer sa digital world.
“At the heart of this ecosystem are individuals—influencers— who shape the opinions, values and even the beliefs of millions,” saad pa ng mambabatas.
Nanawagan si Acidre ng sama-samang pagkilos upang matiyak na mananaig ang katotohanan laban sa kasinungalingan sa pampublikong diskurso.
“We call for a shared commitment to making truth more visible, more frequent and more powerful than the lie,” giit pa niya.
Tinalakay rin sa pagdinig ang mga mekanismong nagpapalaganap ng disimpormasyon, kabilang ang papel ng social media algorithms at ang responsibilidad ng social media at tungkulin ng technology companies.
Binigyang-diin ng mga mambabatas ang pagkakaroon ng epektibong mga estratehiya upang labanan ang pagkalat ng fake news, gaya ng mga programa sa media literacy at posibleng regulasyon sa digital platforms.
Iginiit ni Acidre ang kahalagahan ng pagtutulungan sa pagharap sa isyung ito, “I urge all of us to approach this inquiry with open minds and a collaborative spirit.”
Umaasa si Acidre na sa pamamagitan ng makabuluhang talakayan, mapananatili ang integridad ng impormasyon at matutulungan ang mga tao na maging mas mapanuri sa balita.
Isinagawa ang pagdinig dahil sa tumitinding banta sa epekto ng disimpormasyon sa demokrasya at pambansang seguridad.