CPP Source: FB file photo

Kaso ng gahasa, pang-aabuso sa loob ng CPP-NPA nais paimbestigahan

91 Views

NAIS ni Sen. Robinhood “Robin” Padilla na magkaroon ng imbestigasyon ang Senado sa diumano’y rape at sexual assault sa loob ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA).

Ani Padilla sa paghain ng Senate Resolution 1162, kailangan nang ma-update ang Revised Penal Code at ang Republic Act 8353 o ang Anti-Rape Law of 1997 – at pigilan ang kabataan sa pagsali sa armadong rebelyon.

“Public information aids people in making healthier and more enhanced decisions,” aniya. “Conducting an information campaign about the realities inside organizations like the CPP-NPA can play an important role in discouraging students and the youth in joining rebel groups.”

“Fostering an informed citizenry also contributes to the protection of human rights and social justice,” dagdag niya.

Sa kanyang resolusyon, ipinunto ni Padilla ang pagdinig ng Senate Committee on National Defense, Peace, Unification and Reconciliation noong 2020 kung saan ibinunyag ng dating tagapangulo ng Anakbayan Central Luzon na si Lady Desiree Miranda na ginahasa siya ng kanyang commander noong 2016, molestiya ng kanyang squad leader noong 2017, at nakaranas ng sexual assault ng kasamahan noong 2018.

Dagdag ni Miranda, may ibang “female NPA fighters” na nakaranas ng “similar abuses within the NPA.”

Ayon naman sa isa pang dating rebelde na si “Ka Shane,” ginahasa siya ng dati niyang NPA commander at platoon leader nang 15 taong gulang pa lang siya at aktibong combatant. Kinasuhan niya ang dati niyang squad leader at platoon vice commander na aniya’y inabuso siya noong 2016 nang siya ay nasa Caraballo Guerrilla Front sa Nueva Ecija.

Isa pang dating kadre na si Arian Jane Ramos ay nagbunyag na nakausap niya ang ibang kababaihang naging biktima ng sexual abuse sa kamay ng lalaking kasamahan at commander nila.