Magsino

Kaso ng karahasan sa mga paaralan ikinabahala

Mar Rodriguez Sep 11, 2026
31 Views

IKINABABAHALA ni OFW Party List Rep. Marissa “Del Mar” Magsino ang mga kaso ng karahasan sa mga paaralan.

Tiniyak ng solon na patuloy silang nakasubaybay sa usapin ng “mental health” na pinagdadaanan ng mga kabataang estudyante.

Lumalala ang mga kaso ng karahasan sa mga eskuwelahan na humahantong umano sa pamamaril o pagiging bayolente ng mga kabataang mag-aaral na ipinagpapalagay ng mambabatas na mayroong kinalaman sa mental health problem ng mga estudyante.

Muling ipinaalala ni Magsino na noong 19th Congress naging aktibo ang OFW Party List sa isyu ng mental health at nagkaroon sila ng pulong sa mga concerned agencies ng pamahalaan upang mapag-usapan at mahanapan ng solusyon ang nasabing problema.

“Talagang grabe na ang nangyayari. Kasi una nga sa 19th Congress, ang OFW Party List ay nagkaroon ng maraming meeting tungkol dito sa mental health issue,” pahayag ni Magsino.

Muling iminumungkahi ng lady solon ang pagpapalawak o mapalawig pa ang programa ng mental health care para sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) kasama na ang kanilang pamilya sapagkat kailangan aniyang magkaroon ng suporta lalo na para sa mga balik-bayang OFWs na mayroong tinatawag na seryosong “medikal na pangangailangan”.

Ipinaliwanag ni Magsino na ang pinanggagalingan umano ng mental health problem ng mga OFWs sa ibang bansa ay kung mayroon silang karamdaman, sumasailalim sa matinding stress, pangungulila sa pamilya o homesick, depression at iba pang problema dahil hindi umano sila ng nakakapag-isip ng maayos.