Calendar
Hawak ni Sen. Paulo Benigno Aquino IV, chairman ng Trade, Commerce and Entrepreneurship, Micro, Small and Medium Enterprises (MSMES) ang mga reklamo ng maliliit na negosyante sa mga ahensya ng gobyerno na naging pabigat sa mga MSMES sa ginawang pagdinig sa Senado nitong Setyembre 11, 2026. Humarap sa pagdinig ang isa sa mga negosyante si Yolanda DeLa Cruz na nakaranas umano ng panggigipit sa isang regulatory agency.
Kuha ni JOSEPH MUEGO
BAM SA BIR, BFP, FDA: MADALAS KAYONG TUKUYIN SA REKLAMO NG NEGOSYANTE; ‘LAGAY’ PINAPASUGPO
PINASUSUGPO ni Sen. Bam Aquino ang pangongotong, korapsyon at paghingi umano ng lagay na inirereklamo ng maliliit na negosyante, habang sinabi niyang kabilang ang Bureau of Internal Revenue (BIR), Bureau of Fire Protection (BFP) at Food and Drug Administration (FDA) sa mga ahensyang tinutukoy sa mga reklamo ng entrepreneurs.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Trade, Commerce, and Entrepreneurship na pinamumunuan ni Aquino, sinabi niyang pinili ng komite ang BIR, BFP at FDA dahil madalas umanong lumilitaw ang mga ito sa reklamo ng mga negosyante.
“Iyong mga ahensya po na nandito, kayo po iyong napili namin, BIR, BFP, FDA, because to be frank, marami po sa mga complaints ng mga entrepreneur, sa inyo po rin tinutukoy,” ani Aquino.
Sinabi rin ng senador na dapat tugunan ang umano’y pangongotong at korapsyon na nagpapabigat sa gastos ng micro, small and medium enterprises o MSMEs.
“Kasama na po rito ang hinaharap ng mga MSME na pangongotong at korapsyon na nakikita nila na pumapatay sa kanilang mga negosyo. Dapat alisin na natin ang korapsyon at hulihin ang mga empleyado na humihingi ng lagay para mapabilis ang proseso,” aniya.
Bukod sa mga reklamong ito, sinabi ni Aquino na inuubos din ng magastos at paulit-ulit na requirements ng gobyerno ang oras at puhunan ng maliliit na negosyo, mula sa pagkuha ng permit hanggang sa araw-araw na operasyon at pagpapalawak.
Ayon kay Aquino, halos 99 porsiyento ng registered businesses sa bansa ay MSMEs at halos dalawa sa bawat tatlong trabaho ay nakaugnay sa sektor.
Hinimok niya ang BIR, BFP at FDA na pasimplehin ang kanilang requirements nang hindi isinasakripisyo ang mga pamantayan sa kaligtasan, kalusugan, pagbubuwis at proteksyon ng consumers.
Isinusulong din niya ang risk-based regulation, kung saan iaangkop ang requirements sa laki ng negosyo, pagiging komplikado at panganib ng operasyon, at kakayahan nitong sumunod.
“Pero para sa isang MSME, bawat araw na nauubos sa pila ay isang araw na hindi siya nakapagbukas ng tindahan. Bawat dagdag na bayarin ay maaaring bawas sa puhunan, pangsweldo ng empleyado, o panggastos sa kanilang pamilya,” ani Aquino.
