Calendar
Lacson binusisi deployment ng mga para
BINUSISI ni Sen. Panfilo “Ping” Lacson ang bilang at deployment ng mga pulis matapos sabihin sa pagdinig ng Senado na nasa isang pulis sa bawat 692 katao ang kasalukuyang police-to-population ratio, habang humigit-kumulang 49,000 pang pulis ang kailangan upang maabot ang ideal na 1:500.
Sa pagdinig ng Senate finance subcommittee noong Setyembre 10 sa panukalang 2027 budget ng Department of the Interior and Local Government, sinabi ni PNP chief Gen. Jose Melencio C. Nartatez Jr. na nasa 1:692 ang kasalukuyang ratio.
Sinabi naman ni Interior Secretary Jonvic Remulla na humigit-kumulang 49,000 karagdagang pulis ang kailangan upang maabot ang 1:500 target.
Ngunit binigyang-diin ni Lacson na hindi sapat na resident population lamang ang tingnan sa pagpapakalat ng mga pulis.
Ginamit niyang halimbawa ang Makati, na sinabi niyang may humigit-kumulang 309,000 residente ngunit umaabot umano sa halos tatlong milyon ang daytime population.
“Pero daytime population is 10 times, three million. So is that factored in when you deploy policemen or when you assign policemen sa field?” tanong ni Lacson.
Sinabi ni Nartatez na isinasaalang-alang ng PNP ang daytime population sa deployment ng mga pulis.
Binigyang halimbawa niya ang National Capital Region at Calabarzon. Aniya, may humigit-kumulang 25,000 pulis sa NCR kumpara sa nasa 14,000 sa Calabarzon kahit malaki rin ang resident population ng huli.
Ipinaliwanag ni Nartatez na mas maraming pulis ang inilalagay sa Metro Manila dahil isa itong economic hub at mas maraming tao ang naroroon sa oras ng trabaho.
“Those are the things that we are considering,” aniya.
Sinabi naman ni Remulla na kabaligtaran ang sitwasyon sa Cavite, na aniya ay may nighttime population na humigit-kumulang limang milyon ngunit bumababa sa nasa 3.5 milyon sa araw dahil maraming residente ang pumapasok sa Metro Manila.
“So yung napunta sa Makati, nanggagaling po lahat doon sa Cavite. So baligtad, baligtad ang problema,” ani Remulla.
Binalikan din ni Lacson ang 85-15 policy na ipinatupad noong pinamunuan niya ang PNP, kung saan 85 porsiyento ng personnel, logistics at resources ang inilalagay sa field at 15 porsiyento sa headquarters.
Nang tanungin kung nananatili ang polisiya, sinabi ni Nartatez na ipinatutupad pa rin ito para sa deployment “on the streets.”
Itinanong din ni Lacson ang epekto ng mga pulis na nasa headquarters o nakatalaga bilang security personnel ng mga lokal na opisyal sa aktuwal na bilang ng mga pulis sa field.
Ayon kay Remulla, may mga pulis na nagsisilbing security ng governors, mayors, councilors at iba pang lokal na opisyal, kaya kabilang ang mga ito sa mga dapat isaalang-alang sa deployment.
Naungkat din sa pagdinig ang mga bakanteng posisyon sa PNP. Sinabi ni Remulla na may 10,041 unfilled positions, habang binanggit naman sa pagdinig ang figure na humigit-kumulang 9,000 mula sa budget records na hawak ng Senado.
Sinabi ni Nartatez na humigit-kumulang 2,000 personnel ang nire-recruit ng PNP kada taon. Ngunit nang isama ang retirement, pagkamatay at iba pang umaalis sa serbisyo, sinabi niyang nasa kalahati lamang nito ang netong nadaragdag.
“Magre-recruit ka ng 2,000 pero actually 1,000 lang yung warm bodies mo doon?” tanong ni Lacson.
“That’s correct,” sagot ni Nartatez.

