Lepto Source: DOH file photo

KASO NG LEPTOSPIROSIS SA NKTI, BUMABA NA –DOH

Zaida Delos Reyes Aug 20, 2025
276 Views

BUMABA na ang bilang ng kaso ng leptospirosis sa National Kidney and Transplant Institute (NKTI) matapos itong tumaas dahil sa malawakang pagbaha kamakailan.

Ayon kay Department of Health o DOH Undersecretary Mary Anne Palermo Maestral, walang naitalang bagong admission sa NKTI sa nakalipas na tatlong araw.

Bukod dito, marami narin aniya ang napauwi at karamihan sa mga natitirang pasyente ay nagpapagaling na.

Sa datos ng DOH, umabot sa 2,396 na naiulat na kaso ng leptospirosis sa buong bansa mula June 8 hanggang August 7, 2025.

Ang leptospirosis ay sakit na sanhi ng bacteria mula sa ihi ng hayop tulad ng daga na maaaring pumasok sa katawan sa pamamagitan ng sugat o mucous membranes.

Para matugunan ang pagtaas ng kaso ay nagpatupad ang hospital ng surge plan. Kabilang dito ang pagdagdag ng mga kama sa ibang bahagi ng ospital gaya ng mga conference room at gym.

Nagbukas din ang ilang ospital ng “fast lanes” para sa agarang gamutan ng mga leptospirosis patients at pinalakas ang patient navigation system upang maiwasan ang pagsisiksikan sa emergency rooms.