Calendar
May kasong kriminal sa Pilipinas di maaaring maipa-extradite — DOJ
AYON sa tagapagsalita ng Department of Justice (DOJ) na si Mico Clavano, sa pangkalahatan ay hindi maaaring ipa-extradite ang isang tao mula sa Pilipinas kung may nakasampang kasong kriminal laban sa kanya sa mga lokal na hukuman.
Sa panayam ng mga mamamahayag, sinabi ni Clavano na mas may bigat ang hurisdiksyon ng mga lokal na korte kaysa sa anumang extradition request.
“Ang patakaran ay kailangan muna niyang humarap sa paglilitis dito sa bansa at, kung siya ay mahatulan, ay pagdusahan muna ang sentensiya bago maiproseso ang extradition,” paliwanag ni Clavano.
Nagbigay siya ng pahayag matapos ang ulat ukol sa kahilingan ng Estados Unidos na maipa-extradite ang relihiyosong lider na si Apollo Quiboloy, na inakusahan ng pamahalaan ng US ng pakikipagsabwatan sa human trafficking gamit ang dahas, panlilinlang, at pamimilit, kabilang na ang sex trafficking ng mga menor de edad at iba pang mabibigat na kaso.
“Gayunman, may kapangyarihan pa rin ang mga korte na umakto sa mga kasong nangangailangan ng agarang aksyon. Kung kinakailangan, maaaring pabilisin ang pagresolba sa mga proseso upang hindi maantala ang isang lehitimong extradition request,” dagdag pa ni Clavano.
Sa Pilipinas, si Quiboloy ay nahaharap sa kasong qualified human trafficking. Philippine News Agency

