Malacanang

Palasyo kay Padilla: Ipinagbabawal ang universal drug testing

219 Views

Pinaalalahanan ng Malacañang nitong Miyerkules si Senador Robinhood Padilla, na ang isinusulong niyang panukala na gawing obligado ang drug testing sa lahat ng kawani ng gobyerno, kabilang ang Pangulo, ay labag sa batas.

“Ang pinapahintulutan lamang po ay random drug testing. Kaya baka masayang lang po ang oras at pondo ni Senador Robin Padilla. Mas makabubuting pag-aralan muna niya ang nais niyang gawing batas,” ani Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa isang press briefing.

Binigyang-diin ni Castro ang desisyon ng Korte Suprema noong Nobyembre 3, 2008, kaugnay sa kasong inihain ng Social Justice Society laban sa Dangerous Drugs Board at Philippine Drug Enforcement Agency, kung saan idineklara na ang universal drug testing ay labag sa Konstitusyon at sa karapatan ng indibidwal sa pribadong buhay.

Nang tanungin kung sinusuportahan ng Palasyo ang panukalang batas ni Padilla, malinaw na sagot ni Castro:

“Hindi ko sinasabing hindi pabor. Ang sinasabi ko, labag ito sa batas.”

Noong Lunes, inihain ni Padilla ang Senate Bill 1200, na naglalayong gawing taun-taon ang drug test sa lahat ng opisyal ng gobyerno, gamit ang hair follicle test para sa screening, at urine drug test bilang kumpirmasyon sa paggamit ng ilegal na droga.

Inihain ni Padilla ang panukala sa parehong araw na nagbitiw ang kanyang political affairs officer na si Nadia Montenegro, matapos akusahan ng paggamit umano ng marijuana sa loob ng gusali ng Senado — bagay na mariin niyang itinanggi. | PND