Hontiveros

Kaso ni De Lima panahon ng pandemic — Hontiveros

86 Views

BINANGGIT ni Senadora Risa Hontiveros ang mga kaso nina dating Senadora Leila de Lima at dating Senador Antonio “Sonny” Trillanes IV habang kinukuwestiyon ang hakbang na amyendahan ang Senate rules upang payagan ang remote participation sa mga sesyon.

Sinabi ni Hontiveros na hindi pinayagan noon ang mga kahilingang makalahok, makapagsagawa ng committee hearings o makaboto electronically ang mga detenidong senador, maliban sa remote participation arrangements na pinayagan noong COVID-19 pandemic.

“Hindi pwedeng ikumpara itong ‘videoconferencing’ push ng Senate majority ngayon sa panawagan noong 2021 para payagan ang pagsali sa sesyon at committee hearings ni noo’y Senator De Lima,” sabi ni Hontiveros.

Ayon kay Hontiveros, iba ang kaso ni De Lima dahil panahon noon ng pandemic restrictions at si De Lima, habang nakadetina, ay sumailalim sa legal process.

“Una, COVID pandemic noon at ang Senado, gaya ng ibang institusyon, ay naka video-conferencing,” sabi ni Hontiveros. “Pangalawa at mas importante, si Senator Leila noon ay sumuko, na-detain at rumespeto sa proseso ng batas.”

Binanggit din niya si Trillanes, na nakulong din noong bahagi ng kanyang termino sa Senado, bilang isa pang halimbawa ng senador na hindi pinayagang makalahok, makapagsagawa ng committee hearings o makaboto sa pamamagitan ng electronic means.

“Silang dalawa, sina ngayo’y representative Leila De Lima at dating Senador Sonny Trillanes hinilingan sa pamamagitan ng isang resolution naming ibang mga senador na makapaglahok sa mga sessions o makapagdaos ng committee hearings at makaboto through electronic means, hindi po pinayagan,” sabi ni Hontiveros.

Lumutang ang isyu habang tinatalakay ng Senado ang panukala ni Senador Rodante Marcoleta na amyendahan ang Rule 14, Section 41 ng Senate Rules sa pamamagitan ng pagdaragdag ng probisyong magpapahintulot sa isang senador, dahil sa “justifiable reasons,” na dumalo at makilahok sa sesyon sa pamamagitan ng teleconference, videoconference o iba pang maaasahang remote o electronic means.

Sinabi ni Hontiveros na pinapayagan lamang ng umiiral na Senate rules ang videoconferencing kung may force majeure o national emergency.

“Wala namang pandemic ngayon,” sabi ni Hontiveros.

Sinabi ni Hontiveros na ang mga senador na sinusuwelduhan mula sa pondo ng taumbayan ay dapat pisikal na pumasok at gampanan ang kanilang trabaho, gaya ng inaasahan sa ordinaryong manggagawa.

“Ang dami natin kababayan na arawang sumasahod. Pag hindi pumasok sa trabaho, kaltas ang sahod. Saan na niya kukunin yung pangpakain sa pamilya sa araw na yun?” sabi ni Hontiveros.

Sinabi rin niya na hindi dapat amyendahan ng Senado ang rules sa paraang maaaring magbigay-daan sa isang miyembro na patuloy na bumoto, makaimpluwensya sa polisiya at tumanggap ng institutional benefits habang tumatangging sumailalim sa lawful arrest o judicial authority.

Kinuwestiyon ng mga senador sa minorya ang panukalang remote participation at kung maaari ba itong aksiyunan agad sa plenaryo matapos itong mai-refer sa Committee on Rules.

Iginiit ni Senate President Alan Peter Cayetano na ang pinagpapasyahan lamang ng kapulungan ay kung maaari bang talakayin sa floor ang panukala, at hindi pa ang mismong merito ng amyenda.

Nanindigan naman ang minorya na dapat dumaan ang panukala sa proseso ng komite at mas malawak na talakayan dahil maaari nitong maapektuhan ang paraan ng pagdalo ng mga senador sa sesyon, paglahok sa proceedings at pagtupad sa kanilang mandato.