Acop

Kaso vs MC taxis na labis maningil iminungkahi

Mar Rodriguez Jan 24, 2023
150 Views

HINIHIKAYAT ngayon ng House Committee on Transportation ang mga commuters o mga pampublikong mananakay na magsampa ng reklamo laban sa mga abusadong “motorcycle taxi” na sobra-sobra kung maningil ng pasahe kabilang na dito ang Angkas.

Sinabi ni Antipolo City 2nd Dist Cong. Romeo M. Acop. Chairman ng House Committee on Transportation, na alituntunin ng gobyerno na hikayatin ang mga commuters na magsampa ng kaso laban sa mga abusadong transport service providers dahil hindi aniya tama ang paniningil ng sobra-sobra sa mga pasahero tulad ng ginagawa ng Angkas.

Ang naging pahayag ni Acop ay kaugnay sa ginawang pang-aabuso at pagmamalabis ng Angkas nitong nakalipas na Holiday Season o panahon ng Kapaskuhan. Kung saan, nagreklamo ang maraming commuters dahil sa napakalaking pasahe na sinisingil nila.

Dahil dito, iginiit ni Acop na karapatan ng mga commuters ang magsampa ng reklamo laban sa Angkas. Kung sa tingin nila ay na-agrabyado sila bunsod ng napaka-mahal na pasahe na siningil sa kanila noong kasagsagan ng Holiday Season na sinamantala naman ng Angkas.

Ipinaliwanag ng kongresista sakaling naisampa na ang kaso laban sa Angkas, hayaan na lamang aniya ng mga naagrabyadong commuters na gumulong ang hustisya sapagkat maaaring simulan na ng “investigating body” ang pagsisiyasat tungkol sa kaso laban sa Angkas.

“If the case has already been filed. Let the proper body investigate, It’s the policy of the government, anybody can file a case. Especially those affected, may karapatan naman ang mamamayan na magreklamo kung sa tingin nila ay naagrabyado sila,” sabi ni Acop