Kelot hinoldap, pinatay sa saksak ng katrabaho

506 Views

DEAD-on-arrival sa Nova District Hospital ang sinaksak na lalaki matapos holdapin ng katrabaho sa Quezon City noong Lunes.

Naaresto ang 60-anyos na suspek na call center agent at ngayo’y nasa kustodiya na ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD).

Ayon sa ulat, umaga noong Biyernes ng mangyari ang insidente sa harap ng RNH Tire Supply sa Lot 29, Block II, Commonwealth Ave., Brgy. Sta Monica, Quezon City.

Batay sa imbestigasyon ni PMSg George Caculba, nasa loob ng RNH Tire Supply ang testigong si alyas Jhon Paul ng marinig ang pagsigaw ng biktima sa labas.

Nang kaniyang beripikahin, nakita niyang paulit-ulit na sinasaksak ng suspek ang biktima at pagkatapos ay dinampot ang itim nitong bag, saka tumakas..

Napadaan sa lugar si P/SSg Alejandro Norte sakay ng motorsiklo patungo sana sa isang pagdinig sa korte nang maaktuhang pinagsasaksak ng suspek ang biktima.

Hinabol ng pulis ang tumakas na suspek hanggang sa makorner ito at tuluyang naaresto.

Narekober sa suspek ang isang kutsilyo, black cloth handbag cellphone; brown pouch; P24,000 cash; ATM card; NB ATM at halu-halong IDs na pag-aari ng biktima

Ayon sa misis ng suspek, noong Oktubre lamang nakapasok sa trabaho ang kaniyang mister at kaya lamang nagawa ang krimen ay dahil gipit na gipit na sila at walang pambayad sa mga bills.

Nakapiit na ang suspek habang inihahanda ang mga kasong robbery-hold-up at murder laban sa kanya.