SOCOT

SoCot PIO tiningnan sistema sa komunikasyon ng MPIO

Edd Reyes Nov 24, 2025
239 Views

TINANGGAP ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso ang mga bumisitang kinatawan ng South Cotabato Provincial Information Office (PIO) upang tingnan ang sistema sa komunikasyon na ginagawa ng Manila Public Information Office (MPIO).

Isinama nina Mayor Domagoso at City Information Officer E-jhay Clamor Talagtag ang mga taga-South Cotabato, na pinangunahan ni Rudolf Jimenea, sa communication studio ng MPIO.

Sa communication studio isinasagawa ang Yorme’s Hour, Talk to the People, at iba pang mahahalagang anunsyo ng alkalde, gamit ang broadcast-grade lighting, multi-camera setup, real-time live streaming equipment at digital control room.

Binigyang-diin ni Talagtag na ang tagumpay ng isang Public Information Office ay nakasalalay hindi lamang sa kagamitan, kundi sa tiwala at suporta ng liderato.

“Kapag suportado ng mayor o gobernador ang PIO, mas mabilis, mas malinaw, at mas maayos ang impormasyon para sa taumbayan,” paliwanag pa niya.